NAG-SHUTDOWN ng ilang oras ang official website ni Senador Richard Gordon makaraan itong mabiktima ng online attacks.
Ayon kay Myke Cruz, information technology officer ng senador, nangyari ang pag-atake matapos ang deklarasyon ni Gordon na itutuloy pa rin ng Senate Blue Ribbon Committee ang kanilang imbestigasyon sa sinasabing anomalya sa deal ng gobyerno sa Pharmally Pharmaceutical Inc.
“We view such service outage or disruption as a serious concern as its timing comes when the Senate Blue Ribbon panel is investigating alleged irregularities in government procurement for COVID-19 supplies and equipment,” saad ni Cruz.
Naresolba ang problema sa dickgordon.ph website nang harangin nila ang pagpasok ng traffic mula sa labas ng Pilipinas subalit nagpatuloy ang foreign-led attack.
Natukoy ng administrator ng website ang traffic requests na dahilan ng attacks mula sa China, Estados Unidos, Ukraine at iba pang Southeast Asian countries.
“Ang nangyari, puwede mo ihalintulad sa sari-sari store, na usually may regular na bilang ng customers na bumibili sa loob ng isang minuto.
Ngayon, biglang dinumog ng lahat ng residente ng Metro Manila ang sari-sari store para bumili, kaya di lahat matutugunan on time,” paliwanag pa ni Cruz.
Kadalasan anyang ang botnet owner, originator ng attack, ay bumubuo ng malicious software o malware at ipakakalat sa pamamagitan ng email o website attachments. (DANG SAMSON-GARCIA)
178 