Proyekto para sa tao tututukan ni Areza PAG-UNLAD NG PAGSANJAN UNA SA TEAM AGA

HANDA nang umarangkada ang Team AGa (Areza-Gamit Team) matapos pormal na mag-file ng Certificate of Candidacy (COC) sina Cesar Areza bilang kandidato sa pagka-alkalde at Dra. Terryl Gamit, pangalawang alkalde, sa Commission on Election (Comelec) Office sa Pagsanjan, Laguna noong Oktubre 7, 2021.

Sa panayam ng SAKSINGAYON (Peryodiko Filipino Incorporated) kay Areza, sinabi niyang handa na ang kanilang team para sa 2022 national at local elections.

Nakasentro ang plataporma ng Team AGa sa kabuhayan para sa mga mamamayan ng Pagsanjan, partikular ang mga nawalan ng pinagkakakitaan dahil sa halos magdadalawang taon nang COVID-19 pandemic.

Bilang isang matagumpay na negosyante, nais ni Areza na makatulong sa mga taga-Pagsanjan sa pamamagitan ng pagbabahagi ng kanyang mga kaalaman sa pagnenegosyo.

Mas kilala sa tawag na ‘Kuya Cesar,’ naniniwala siya sa kasabihang: “Huwag bigyan ng isda, bagkus bigyan ng magagamit sa pangingisda” ang mga taga-Pagsanjan upang matuto silang mabuhay sa sarili nilang pagsisikap.

Ayon sa mayoralty candidate, nagpapasalamat  siya sa mga natatanggap na pagpapala mula sa Panginoon. At bilang ganti, nais niyang ibahagi ang kanyang blessings sa mga kababayan niya.

Mas higit sa pagbibigay ng pera na panandalian lamang o madaling maubos, mas mapakikinabangan nang matagal, at maaari pang maisalin sa mga susunod na henerasyon ang kaalaman sa pagnenegosyo, ayon kay Kuya Cesar.

Kaya tinitiyak niyang magkakaroon ng mas maraming oportunidad sa negosyo at kabuhayan ang  mga taga-Pagsanjan sa oras na maluklok siya sa puwesto sa susunod na taon.
Pangako pa ni Areza sa kanyang mga kababayan ang isang administrasyon na maka-Diyos, makatao at makakalikasan.

Nasa plano niya rin ang magkaroon ng isang hotel sa Barangay Binan, na katabi lamang ng CLA Mall, upang mayroong tutuluyan ang mga turista, dayuhan man o lokal, na magagawi sa kanilang bayan na kilalang-kilala dahil sa pamosong Pagsanjan Falls.

Marami pang proyekto para sa kapakinabangan ng kanyang mga kababayan si Kuya Cesar, at maisasakatuparan aniya ang lahat ng mga ito kung mabibigyang siya ng pagkakataong makapaglingkod sa susunod na taon.

Suportado naman ni Dra. Gamit at kanyang mga kasamahan ang magagandang plano ng kanilang mayoralty candidate para sa bayan ng Pagsanjan. Batid nila na alam ni Areza ang tamang pormula kung paanong magtatagumpay sa buhay.

Galing sa hirap ngunit naging isang matagumpay na negosyante si Kuya Cesar dahil sa kanyang pagsisikap, determinasyon, pakikisama at paniniwala sa Diyos.
Ngayon, ang misyon naman niya ay mapaunlad ang buhay at kabuhayan ng kanyang mga kababayan sa Pagsanjan, ayon pa kay Areza. (Joel O. Amongo)

313

Related posts

Leave a Comment