NUISANCE CANDIDATE

HINDI ko alam kung nang-aasar, namimilosopo at nanggagago lang ang mga naghain ng certificate of candidacy (COC) para tumakbo bilang senador, bise presidente at presidente.

Tuwing panahon na lang ng paghahain ng COC, napakarami ang sumusugod sa Commission on Elections (Comelec) kahit wala silang kakayahang mangampanya.

‘Yan ang epekto ng 1987 Constitution na nagsasabi na kahit sino, basta totoong Pinoy at marunong magbasa at magsulat ay puwedeng tumakbo sa lahat ng elected position sa gobyerno.

Hindi mo tuloy malaman kung seryoso ba ang mga taong ito na tinaguriang “nuisance candidate” sa kanilang kagustuhan na maging senador, bise presidente o kaya maging pangulo ng bansa.

Hindi biro ang mangampanya dahil napakalaking halaga ang kailangan ng isang kandidato para patakbuhin ang kanyang kandidatura. Kahit sa konsehal lang ng isang bayan, sumusuka na siya ng ­malaking pera.

Kahit sa pagtakbo bilang barangay captain, hindi biro ang halagang ginagastos ng mga naghahangad maging kapitan ng kanilang barangay lalo na ngayon, marami ang nagpapabayad ng boto.

Paano na lang kung senador, bise presidente at presidente ang tatakbuhan mo? Meron ba silang grassroot supporters na magbibigay ng malaking boto sa kanila para manalo?

Sige, sabihin na natin na hindi nagbabayad ng boto ang mga tatakbo sa national position dahil bihira tayong makarinig n’yan. Ang karaniwang naririnig nating nagbabayad ng boto ay ‘yung mga tumatakbo sa local position.

Pero mas malaki ang ginagastos ng mga kandidato sa national position kumpara sa local ­candidates dahil ang dami nilang ­inaalagaang mga tao sa baba na nagpapatakbo ng kanilang kandidatura.

Kaya nagtataka ako sa mga naghahain ng COC na alam mong wala silang kakayahang mangampanya pero nagfa-file pa rin sila ng kanilang kandidatura kahit alam nilang walang pag-asa na aprubahan ng Comelec ang kanilang pagtakbo.

Gusto lang ba nila ng media attention at mai­lagay ang kanilang pangalan sa dyaryo, mabanggit sila sa mga radyo at telebisyon kaya kahit alam nilang suntok sa buwan ang kanilang kagustuhang tumakbo ay sige pa rin sila?

Okey, sabihin na natin na seryoso sila dahil banas na banas na sila sa nangyayari sa ating bansa, sa kalagayan ng mga Filipino kaya kahit napapahiya sila eh naghahain pa rin sila ng COC…pero ang tanong…ano ang kapasidad mo para tumakbo sa national position?

Hindi ko tuloy maiwasang isipin na marami ang namimilosopo at ginagawang katatawanan ang eleksyon sa ating bansa dahil wala namang batas na nagpaparusa sa mga tulad nila.

Hindi pa ganap na batas ang isang panukala sa Kongreso na puwedeng parusahan at pagmultahin ang mga nuisance candidate para mamantina ang kasagraduhan ng eleksyon sa ating bansa.

Kaya hangga’t walang batas na magpaparusa sa mga kababayan natin na ginagawang katatawanan ang eleksyon sa ating bansa ay lagi nating makikita ang mga ganyang nuisance candidates.

188

Related posts

Leave a Comment