PAKAY ngayon ng follow-up operation ng Manila Police District ang tatlong kalalakihan na nanloob at tumangay ng mahigit P100,000 cash at mobile phone sa 52-anyos na store owner na kanila ring binaril at napatay sa Singalong, Malate, Lunes ng madaling araw.
Sa ulat ng pulisya, alas-5:40 ng madaling araw nang looban ng mga salarin ang tindahan ng biktimang si Rodrigo Nuneza Arizo sa 2224 – B, Singalong St., Malate.
Salaysay ni Elona Mae Yanggo, 25, stay-in tindera ng biktima, dumating sa tindahan ang tatlong armadong lalaki sakay ng dalawang motorsiklo at pawang nakasuot ng itim na helmet, jacket, t-shirt, at short pants at inagaw ang kanyang mobile phone.
Isa sa mga suspek ang nag-utos sa kanyang umakyat sa bahay at kunin ang cash sa kuwarto ng biktima. Nakita umano ni Nuneza ang mga armado kaya nag-lock ito ng pintuan at nilagyan pa ng barikada.
Ngunit binaril ng isa sa mga suspek ang pintuan at doon nahagip ng bala sa dibdib ang biktima na kanyang ikinasawi. (RENE CRISOSTOMO)
