DINALA nitong Martes sa University of the Philippines-Philippine General Hospital (UP-PGH) sa Maynila si Senator Rodante Marcoleta upang sumailalim sa medical examination alinsunod sa kautusan ng Sandiganbayan Third Division.
Bandang alas-11:15 ng umaga nang ilabas si Marcoleta mula sa PNP General Hospital bago isinakay sa coaster ng Philippine National Police (PNP).
Nakaposas, nakasuot ng detainee shirt at protective vest, at naka-wheelchair ang senador habang inihahatid sa UP-PGH bilang bahagi ng ipinatupad na seguridad.
Ayon kay Philippine National Police Public Information Office (PNP-PIO) Chief Police Colonel Allan Rae Co, bahagi ng security protocol ang pagsusuot ng protective vest upang matiyak ang kaligtasan ni Marcoleta habang nasa biyahe.
Inaasahan namang ibabalik si Marcoleta sa PNP General Hospital matapos ang isinagawang medical examination.
Nabatid na inatasan ng Sandiganbayan Third Division ang PNP na dalhin si Marcoleta sa UP-PGH upang masuri ang kanyang kalagayan.
Inatasan din ng korte si UP-PGH Director Dr. Gerardo Legaspi na magsumite ng medical report sa Hulyo 15.
Naging mahigpit naman ang seguridad sa loob ng UP-PGH habang isinasagawa ang pagsusuri upang maiwasan ang abala at posibleng epekto sa ibang pasyente ng ospital.
Ayon kay UP-PGH Director Dr. Gerardo Legaspi, pangunahing konsiderasyon ng ospital ang kapakanan ng mga pasyente kaya kinakailangang limitahan ang galaw sa loob ng pasilidad.
Inatasan ang mga doktor na magsumite ng ulat sa korte bago mag-alas-8:30 ng umaga sa Hulyo 15 at personal na humarap sa pagdinig upang ipaliwanag ang resulta ng isinagawang medical evaluation.
(TOTO NABAJA/JULIET PACOT)
60 