TINIYAK ng Department of Justice (DOJ) na hindi makaliligtas si Vice President Sara Duterte sa posibleng pananagutang kriminal kaugnay ng mga reklamong inihain laban sa kanya.
Kaugnay ito sa umano’y pagbabanta ni Vice President Duterte laban kina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez.
Nakabinbin pa rin sa panel of prosecutors ng DOJ ang mga reklamong inciting to sedition at grave threats na inihain ng National Bureau of Investigation (NBI) noong nakaraang taon.
Ayon kay Justice Secretary Frederick Vida, nagpapatuloy ang pag-aaral ng National Prosecution Service sa draft resolution at naghihintay na lamang ito ng pinal na aksyon mula sa division head.
Binigyang-diin ni Vida na walang direktang epekto ang impeachment proceedings sa mga reklamong kriminal na kinahaharap ng Bise Presidente.
Aniya, kung may sapat na basehan ang mga reklamo, maaari nang maglabas ng resolusyon ang DOJ upang tuluyan nang maisampa sa korte ang mga kaso laban kay Vice President Duterte.
Samantala, nanindigan ang DOJ na nagpapatuloy ang imbestigasyon sa mga reklamong inciting to sedition at grave threats matapos kuwestiyunin ni Senator-judge Erwin Tulfo ang mabagal na pag-usad ng kaso.
Ayon kay DOJ Spokesperson Atty. Polo Martinez, iiwas muna ang ahensya na magkomento sa mga usaping tinalakay o may kaugnayan sa impeachment proceedings bilang paggalang sa impeachment court.
“Out of respect for, and in deference to, the impeachment court, the Department will refrain from commenting on matters raised in or relating to those proceedings,” pahayag ni Martinez.
Gayunman, nilinaw ng DOJ na nananatiling nasa ilalim ng imbestigasyon ang mga reklamong isinampa laban sa Bise Presidente at aaksyunan ang mga ito sa tamang panahon alinsunod sa due process.
Nauna rito, kinuwestiyon ni Senator-judge Erwin Tulfo kung bakit mahigit isang taon nang nakabinbin sa DOJ ang preliminary investigation sa reklamong isinampa ng NBI laban kay Vice President Duterte.
Ayon kay Tulfo, mahalagang matiyak ng NBI na matibay o “airtight” ang mga kasong inihahain nito bago dalhin sa DOJ upang mapabilis ang pagresolba ng mga ito.
(JULIET PACOT)
62 