PANIBAGONG LPA NAMATAAN SA PAGLABAS NG TD JOSIE SA PAR

HABANG tinatahak kahapon ng Tropical Depression Josie ang direksyon palabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR), isa namang low pressure area (LPA) ang namataan ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na posibleng maging ganap na bagyo sakaling pumasok sa teritoryo ng Pilipinas.

Patuloy namang mino-monitor ng Office of Civil Defense (OCD) ang epekto ng nagdaang Bagyong Inday at ng pinalakas nitong southwest monsoon o habagat.

Batay sa pinakahuling datos ng OCD, umabot na sa 22 ang naitalang nasawi habang 18 naman ang nawawala, na kapwa sumasailalim pa sa verification at validation process.

Nasa 170,000 pamilya o mahigit 755,000 indibidwal mula sa mahigit 1,000 barangay ang naapektuhan ng sama ng panahon, habang mahigit 5,000 pamilya ang nananatili sa 97 evacuation centers.

Kasabay nito, patuloy ang paghahanda ng pamahalaan para sa posibleng panibagong bagyong papasok sa Philippine Area of Responsibility habang nananawagan ang OCD sa publiko na manatiling alerto dahil sa banta ng malalakas na pag-ulan, pagbaha, at pagguho ng lupa na maaaring idulot ng habagat at localized thunderstorms.

“As of 8:00 AM today, 14 July 2026, ‘JOSIE’ has weakened into a Tropical Depression and is being monitored inside the Philippine Area of Responsibility (PAR). Meanwhile, a Low Pressure Area (LPA 07b) is being monitored outside the PAR and has a medium chance to develop into a tropical depression within the next 24 hours,” ayon sa weather update ng PAGASA na ibinahagi ng OCD noong Lunes.

Ayon sa PAGASA, humina si Josie at isa na lamang tropical depression nitong Martes, Hulyo 14, matapos itong huling mamataan sa layong 1,070 kilometro silangan ng Timog-Silangang Luzon.

(JESSE RUIZ)

62

Related posts

Leave a Comment