Speaker Dy, suportado ang GovNet rollout; DIGITAL SUSI SA MAS MABILIS AT TRANSPARENT NA SERBISYO NG GOBYERNO

BINIGYANG-DIIN ni House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III nitong Martes ang kahalagahan ng pagpapabilis ng digital transformation sa bansa, at sinabing ang mga programang tulad ng GovNet ay magbibigay-daan sa mas mabilis, mas transparent, at mas madaling maabot na serbisyo ng pamahalaan para sa mga Pilipino.

Inihatid ni Isabela Board Member Manuel Faustino “King” Dy ang mensahe ng Speaker sa paglulunsad ng GovNet Ilagan sa Lungsod ng Ilagan, Isabela, na pinangunahan ng Department of Information and Communications Technology (DICT).

Sa kanyang mensahe sa mga opisyal ng pambansa at lokal na pamahalaan, sinabi ni Speaker Dy na ang GovNet ay mahalagang hakbang tungo sa mas mahusay na pamamahala at bahagi ng layunin ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na gawing moderno ang pisikal at digital na imprastraktura ng bansa.

“Ang paglulunsad ng GovNet Ilagan ay hindi lamang tungkol sa pagkakaroon ng internet o fiber optic cables. Ito ay daan tungo sa mas mahusay na pamamahala—dahil kapag konektado ang ating mga ahensya, mas mabilis ang koordinasyon, mas epektibo ang serbisyo, at mas gumagaan ang buhay ng ating mga kababayan. Ito ang tunay na layunin ng digital transformation,” ayon sa mensahe ni Speaker Dy.

Dagdag pa niya, layunin ni Pangulong Marcos na hindi lamang magtayo ng mga kalsada at tulay kundi maglatag din ng matatag na digital infrastructure upang makapaghatid ng mas episyente at kapaki-pakinabang na serbisyo sa mamamayan.

Aniya, habang pinag-uugnay ng programang Build Better More ang mga komunidad sa pamamagitan ng mga proyektong pang-imprastraktura, pinagdurugtong naman ng National Broadband Program, eGovPH App, at GovNet ang mga mamamayan at serbisyo ng pamahalaan gamit ang makabagong teknolohiya.

“Isa ito sa pinakamahalagang maiiwang pamana ng administrasyong ito—ang pagtatatag ng pundasyon para sa isang tunay na Digital Pilipinas,” aniya.

Binanggit din ni Speaker Dy ang papel ng Kamara de Representantes sa pagsusulong ng digital transformation sa pamamagitan ng pagpasa sa eBayad Bill, isa sa mga prayoridad na panukala ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC).

Layunin ng panukala na gawing institusyonal ang digital payments sa lahat ng transaksyon sa pamahalaan upang mapabilis ang serbisyo, mabawasan ang red tape, at mapalakas ang transparency.

“Our goal is to help build the foundations of a truly modern government—one where Bagong Pilipinas evolves into a Digital Pilipinas, where government services are faster, more transparent, and more accessible to every Filipino,” diin ni Speaker Dy.

Sinabi rin niya na inaprubahan na ng Kamara ang Right to Information Act upang higit na mapalakas ang transparency sa pamahalaan, gayundin ang Child Online Safety and Protection Act na naglalayong protektahan ang mga batang Pilipino laban sa online exploitation, cyberbullying, at iba pang banta sa digital na mundo.

“Ang digital transformation ay hindi lamang nagdadala ng inobasyon. Isa rin itong mahalagang instrumento para sa pananagutan, responsibilidad, at pagtitiwala ng publiko,” aniya.

Sa ilalim ng proyektong GovNet Ilagan, mahigit 50 tanggapan ng pamahalaan sa Isabela ang magkakaroon ng mas mabilis, mas ligtas, at mas maaasahang internet connectivity upang higit pang mapahusay ang paghahatid ng serbisyo sa mga lokal na pamahalaan, paaralan, at iba pang pampublikong institusyon.

Nagpaabot din ng pagbati si Speaker Dy sa DICT, Pamahalaang Panlalawigan ng Isabela, Pamahalaang Lungsod ng Ilagan, at iba pang katuwang sa matagumpay na pagpapatupad ng proyekto.

61

Related posts

Leave a Comment