Jackpot sa pandemya

Para naman kay Gabriela partylist Rep. Arlene Brosas, di dapat palagpasin ng Kongreso ang aniya’y pagpapayaman ng ilan habang nagugutom ang karamihan – bukod pa sa nagkakasakit at namamatay dahil sa nakahahawang karamdaman.

Giit ni Brosas sa mga kapwa mambabatas, imbestigahan ang anomalya sa pamamahagi ng ayudang lubhang pinagkakitaan lang ng mga mapagsamantala.

“Mantakin nyo, P8-bilyong ayudang di pinamigay ang pinagtubuan sa bangko, bukod pa sa sinasabi namin noon pa na transaction fee,” ani Brosas.

Bukod pa aniya sa interes ng perang inilagak sa bangko ng kumpanyang kinasangkapan ng DSWD sa pamamahagi ng ayuda, may natanggap umano siyang impormasyong kalahati lang ang aktwal na halagang ibinigay sa ilang benepisaryo sa ilalim ng programang SAP.

“Kada beneficiary ng ayuda, P50-P250 ang kaltas ng Starpay ayon sa mga ulat na natanggap namin. Kung 500,000 ang gumamit ng Starpay app, instant P25 million ito na tubo ng Starpay! Ayuda na, kinaltasan at pinagtubuan pa!,” ayon pa sa mambabatas.

Sa pagtatala ni Brosas, lumalabas na bukod sa transaction fees na kinakaltas ng Starpay sa bawat benepisaryo, tiba-tiba rin umano ang nasabing kumpanya sa interes ng P8-bilyong inilagak lang nito sa bangko.

Dagdag pa niya, ang programa ay binalangkas at ipinasa ng Kongreso para tulungan ang mga nagdurusang mamamayan. Hindi para payamanin pa lalo ang mga ganid at mapagsamantala.

Ganito rin ang panawagan ng Anakpawis party-list sa Kongreso. Giit ng grupo, literal na ginutom ng Starpay ang benepisaryo.

“Maraming anomalya ang gobyerno sa ayuda. Gaya na lamang nitong nakaraan, binusog ng pera ng bayan ang Starpay. Habang ang karaniwang mamamayan, starving pa rin,” saad ng pahayag ng Anakpawis. (May dagdag na ulat si BERNARD TAGUINOD)

173

Related posts

Leave a Comment