CLICKBAIT ni JO BARLIZO
PATULOY ang paggiling ng kamera para sa wala na atang humpay na serye ng palabas sa Senado.
Binigyan na nga ng kakumpitensya ng mga netizen ang paboritong libangan ngayon na Netflix – ang Senateflix.
Unang episode: ang paglutang ni Bato dela Rosa.
Teka, lumutang ba o pinalutang? Ito ang nagpasimula ng lights, camera, action na ang iba pang tampok ay para sa pinagpipilitang teleconference ng mga senador na ang sequel ay ang legal background at force majeure.
Sa bawat palabas ay may pumupuri at kritiko. Mayroon ding review. Sa ibang bansa, kapag maganda ang review ng pelikula ay dudumugin na ng mga manonood ang pelikula. Sa pelikula ‘yan ha.
Sa pinilakang tabing ng pulitika ay iba ang trend. Kahit pilit ang aktingan ay tumatabo ito sa takilya dahil patok na patok sa mga tagahanga o tangahanga raw. ‘Yun nga lang tumatabo hindi sa takilya kundi sa kababawan at kahihiyan.
Teka, sa legal background, klik ang puna ni Akbayan Rep. Chel Diokno na hindi kahanga-hanga ang legal background kung ito ay ginagamit para maliitin ang iba.
Mas nakababahala aniya ang may alam sa batas pero pinipiling baluktutin ito.
Hindi bilib sa Chel sa may legal background na nangmamaliit. Naku, yari. Tila bagay ata ang legal background sa pinilukang tabing.
‘Yun naman force majeure ay naging force manure. Malamang nakita n’yo na rin sa social media ang meme patungkol diyan. Walang patumanggang lait at katatawanan ang inabot ni Robin Padilla. Tratuhin ba naman kasing force majeure ang digmaan, terorismo sa ibang bansa!
Pero ang pinakamalupit na review ay mula kay PBBM, na tinabla ang mosyon na amyendahan ang rules ng Senado upang pahintulutan ang pagdalo sa sesyon via teleconferencing.
Mas matindi ang ibinato niya kay Bato, na kung importante raw sa senador na makaboto ay dumating siya sa Senado.
Teka, fake daw ‘yung putukan sa Senado, sabi ni PBBM.
Nasindak daw siya sa panonood sa nangyari sa Senado na hindi niya akalain na bababa sa naturang antas.
Hindi na raw kagaya ng panahon nila ang Senado ngayon dahil nagpepersonalan na ata at ang babaw na ng usapan.
Buti naman at nababahala na ang Pangulo sa personal na tunggalian sa Senado.
Naku, hindi nga kayo ganyan noon kaso hahayaan n’yo na lang ba na ganyan na ginagawa ngayon?
Huwag nang itanong Mr. President, kung paano nangyari ang mga pangyayari. Ganun kayo noon, ganito sila ngayon.
Ang kabulastugan ng ibang makapangyarihan ay patuloy na gumugulong at ang nasasagasaan, nagugulungan at nagugulangan ay mamamayan, na pagod na sa mga pangako ng mga politiko na pansariling interes ang pakay sa pag-akyat sa entablado ng serbisyo publiko.
Ganito kayo noon, paano kami ngayon?
102 