EDITORIAL
IPINAKITA ng walkout sa Senado noong isang linggo kung paano nagiging flexible ang prinsipyo depende sa kulay ng pulitika at kung sino ang naaapektuhan ng isang polisiya.
Ang naging sentro ng tensyon ay ang usapin ng online at electronic voting — isang konseptong tila ikinagulat ng ilang senador, dahilan upang piliin ng Minority bloc ang mag-walkout kaysa harapin ang debate sa plenaryo.
Ngunit ang mas malaking tanong: bakit parang ngayon lamang nila tinututulan ang isang mekanismong sila rin mismo ang dating nagsulong?
Hindi na bago sa Senado ang remote participation.
Noong 2019, mismong sina dating Senate President Franklin Drilon at Senador Ping Lacson ang naghain ng Proposed Senate Resolution No. 51 upang payagang makadalo si dating Senadora Leila de Lima sa plenary sessions sa pamamagitan ng teleconferencing habang nakakulong. Malinaw pa nga ang naging argumento noon — na ang pagkawala ng partisipasyon ng isang halal na senador ay nagkakait umano sa milyun-milyong Pilipino ng sapat na representasyon.
Noong 2021, lalo pa itong pinalawak sa Proposed Senate Resolution No. 658 nina Drilon, Senadora Risa Hontiveros, Senador Kiko Pangilinan, at dating Senador Ralph Recto. Dito ay hindi lang plenaryo kundi maging committee hearings ang nais payagang idaos gamit ang online at electronic platforms.
Kung noon, ang teknolohiya ay ipinresenta bilang simbolo ng inclusivity, modernization, at continuity of governance bakit ngayon ay tila isa na itong bantang dapat katakutan?
Dito pumapasok ang delikadong kultura ng selective principle sa pulitika ng bansa.
Kapag ang polisiya ay kapaki-pakinabang sa sariling hanay, tinatawag itong “makatao,” “makabago,” at “demokratiko.” Ngunit kapag nagbago ang political landscape at hindi na pabor sa kasalukuyang interes, saka ito lalagyan ng duda, takot, at alegasyon ng iregularidad.
Ito ang dahilan kung bakit lumalalim ang public distrust sa mga institusyon.
Hindi dahil sa paggamit ng teknolohiya, kundi dahil sa hayagang inconsistency ng mga lider na dapat sana’y tagapagtaguyod ng matatag na prinsipyo.
Ang prinsipyo ay hindi dapat pana-panahon lamang. Hindi ito dapat nakadepende kung kakampi o kalaban ang makikinabang. Kapag ang isang polisiya ay tama noong nakaraan dahil nakatutulong ito sa representasyon at operasyon ng gobyerno, dapat malinaw kung bakit mali na ito ngayon — at hindi sapat ang simpleng political posturing bilang paliwanag.
Mas nakadagdag pa sa negatibong impresyon ang ginawang walkout.
Ang Senado ay institusyon ng debate at deliberasyon. Hindi ito lugar para sa dramatikong eksena na madaling gawing viral clip o headline kinabukasan. Ang mandato ng senador ay humarap sa argumento, sumagot sa mga tanong, at ipaglaban ang paninindigan sa loob ng plenaryo — hindi ang pagtalikod sa usapan kapag hindi pabor ang takbo nito.
Sa isang demokratikong lipunan, mahalaga ang dissent. Ngunit mas mahalaga ang kakayahang ipaliwanag ito sa pamamagitan ng matinong debate, hindi symbolic exit.
At kung tutuusin, kinilala na mismo ng Senado ang hybrid setup noong panahon ng pandemya sa pamamagitan ng Senate Resolution No. 43, kung saan inamyendahan ang Rules 22 at 41 upang pahintulutan ang remote voting at hybrid sessions sa panahon ng national emergency o force majeure.
Ibig sabihin, dumaan na ito sa legal at institusyonal na proseso. Hindi ito biglaang imbensyon ng kasalukuyang liderato.
Sa ngayon ay mas mabigat na usapin, hindi ang online voting, kundi kung mayroon pa bang consistency ang ating mga mambabatas pagdating sa prinsipyo — o kung ang bawat posisyon ay nakabatay na lamang sa kung ano ang politically convenient sa kasalukuyan.
Dahil kapag ang prinsipyo ay madaling baguhin ayon sa sitwasyon, ang unang nawawala ay hindi lamang kredibilidad ng mga politiko kundi tiwala mismo ng publiko sa demokrasya.
100 