TIWALA NG MANILEÑO KAY YORME ISKO, PATULOY NA MATATAG

PUNTO DE BISTA ni BAMBI PURISIMA

SA panahon na maraming lungsod sa Metro Manila ang humaharap sa samu’t saring problema—mula trapiko, kahirapan, kriminalidad hanggang kakulangan sa serbisyong panlipunan—kapansin-pansin ang patuloy na mataas na tiwala ng publiko kay Manila Mayor Francisco ‘Isko’ Moreno Domagoso.

Hindi biro ang pumangalawa bilang top performing mayor sa NCR, ayon sa survey ng RPMD. Ibig sabihin lamang nito, may malaking porsyento ng mga Manileño ang nakararamdam ng aktuwal na serbisyo mula sa kanilang lokal na pamahalaan.

Hindi maikakaila na malaking puhunan ni Yorme Isko ang kanyang istilo ng pamumuno—direkta, mabilis kumilos, at laging present sa mga isyu ng lungsod.

Sa mata ng marami, isa siya sa mga alkalde na hindi lamang nakaupo sa opisina kundi aktibong nakikita sa lansangan, evacuation areas, ospital, at mga komunidad.

Kaya naman nananatiling mataas ang kanyang trust at performance ratings dahil nakikita ng tao ang aksyon, hindi lamang pangako.

Malinaw rin na nakatuon ang administrasyon sa mga pangunahing pangangailangan ng mamamayan gaya ng pabahay, edukasyon, trabaho, at serbisyong pangkalusugan.

Sa isang lungsod na matagal nang kinakaharap ang problema sa urban congestion at kahirapan, mahalaga ang lider na may konkretong programa para sa ordinaryong residente.

Ang tuloy-tuloy na kampanya sa kalinisan, kaayusan, at peace and order ay dagdag dahilan kung bakit nananatiling matatag ang suporta sa kanyang pamamahala.

Sa huli, ang mataas na ranking ni Yorme Isko ay hindi lang simpleng numero sa survey. Isa itong mensahe na sa kabila ng ingay ng pulitika, mas pinahahalagahan pa rin ng mamamayan ang lider na may nakikitang resulta at serbisyong ramdam sa araw-araw.

At habang patuloy ang hamon sa pamamahala ng Maynila, malinaw na nananatiling matibay ang tiwala ng marami sa kanyang kakayahang pamunuan ang lungsod.

***

Scam ‘yang pakulong “Unlimited service” at walang kuwenta ang Fair Usage Policy aka FUP na anunsiyo ng telcos na ‘pag naubos mo na ang data capacity, makakokonekta pa rin.

Dati ay nag-warning lang ang DOJ sa telcos na kakasuhan sa unfair practice ayon sa Consumer Act, may nakasuhan at naparusahan ba?

Daming expert sa telcos pero ‘yung hacking e isang maunlad na “industriya” sumisira sa kredibilidad ng mga negosyo, tiwala ng taumbayan sa telcos na ikinatutuwa naman ng mga nakikinabang sa panloloko gamit ang internet, social media platforms.

Ginagamit din sa krimeng cyberbullying at paninira sa kapwa ang social media platform tulad ng Facebook, YouTube, Tiktok, Twitter at iba pa.

Misinformation at Dis-information ay laganap sa ating bansa, e tayong Pinoy, ayon sa pag-aaral ay top sa “social media addiction.”

Hindi naman per se, masama ito kung gagamitin sa tama, maayos na paraan at kung susundin ang tamang etika sa pakikipagkapwa-tao.

Kung sobra ang paggamit sa social media, apektado na ang pamilya.

Ginagamit din ang social media na lunsaran ng mga scammer, pornography, pananakot, mga impormasyong di-totoo at pagkakalat ng fake news, identity theft, hoaxes na nagbibigay ng matinding takot sa mga taong madaling mapaniwala sa kanilang nakikita at nababasa.

Nagagamit ang social media sa paghahasik ng binhi ng galit sa gobyerno kaya dapat maging masigasig ang gobyerno at mga ahensyang ang mandato ay pigilan, arestuhin, kasuhan at parusahan ang mga terorista sa internet at social media.

Marami ang nananakawan ng pera sa bangko, sa ATM at iba pa ng mga hacker, scammer gamit ang internet service at dito kulang ang kapasidad ng ating pamahalaan.

Sa krimeng gamit ang information technology, kulelat pa rin tayo, kaya kailangang kuhanin ng pamahalaan ang magagaling sa IT upang mabawasan at madakip ang mga scammer, hacker, fake social media sites, at online sextortion syndicates.

At eto ang nakaiiyak, kasi ayon sa pag-aaral, superbagal na nga, expensive na nga, 6 sa 10 Pinoy, wala pa ring internet connection.

E itong internet connectivity ay hindi na luho, hindi na kapritso, ito ay isa nang human rights ng bawat Pilipino.

Kaya po ang ating pakiusap kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., pakilusin naman n’yo ang DICT, NTC, DOJ, Philippine Competition Commission, at ipataw na ang totoong batas ng Consumer Act sa greedy telcos na ‘yan.

Kamal-kamal na bilyones na ang kinikita n’yo sa aming subscribers, consumers, pero no. 21 tayo sa internet speed na 3.64 Mbps kumpara sa Singapore na mayroong top speed na 122.43 Mbps; HK, 102.96Mbps; Japan, 82.12 Mbps; South Korea, 59.77 Mbps!

Sanabagan!

***

Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon, sumulat o magmensahe sa bampurisima@yahoo.com.

105

Related posts

Leave a Comment