PARADA SA RILES NG TREN, INALMAHAN NG PNR

NAGBABALA ang Philippine National Railways sa mga dumaraan sa riles matapos umani ng reaksiyon online ang isang parada na isinagawa mismo sa riles ng tren sa Barangay San Gregorio, San Pablo City, Laguna.

Sa video, makikitang naabutan ng isang maintenance of way train (MOW) ng PNR ang parada na walang nagawa kundi bumuntot na lamang sa prusisyon ng mga trolley.

Sa inilabas na opisyal na pahayag ng PNR, mahigpit nitong pinaaalalahanan ang publiko na bawal ang anomang hindi awtorisadong aktibidad sa paligid at mismong riles ng tren dahil maaari itong magdulot ng panganib sa buhay at makaabala sa operasyon ng tren.

Kabilang sa mga ipinagbabawal ng ahensya ang pagtambay, pagtawid, paglalaro, pagtitinda, at maging ang pagsasagawa ng mga pampublikong pagtitipon gaya ng parada at prusisyon sa mismong riles.

Ayon sa PNR, bagama’t walang naiulat na aksidente sa naturang insidente, seryoso pa rin ang banta sa kaligtasan ng mga residente lalo na kung may paparating na tren o kung muling magkaroon ng operasyon sa lugar.

Binigyang-diin din ng ahensya na ang riles ng tren ay bahagi ng pambansang imprastraktura kaya’t mahigpit na ipinagbabawal ang paggamit dito nang walang pahintulot.

Nagbabala rin ang PNR na maaaring managot sa ilalim ng umiiral na batas ang sinomang lalabag sa naturang regulasyon at posibleng maharap sa kaukulang kaparusahan.

Dahil dito, nananawagan ang PNR sa publiko at mga lokal na komunidad na makiisa sa pagpapanatili ng kaayusan at kaligtasan sa paligid ng mga riles upang maiwasan ang sakuna at matiyak ang tuloy-tuloy na operasyon ng tren sa oras na ganap na itong gamitin.

(NILOU DEL CARMEN)

95

Related posts

Leave a Comment