HINDI ko masisisi ang mga tao na sabay-sabay na naglabasan nang ibaba sa Alert Level 3 ang community quarantine sa National Capital Region (NCR) dahil sa patuloy na pagbaba ng kaso ng COVID-19, dahil sa tagal nilang pagkakakulong sa kanilang bahay dahil sa pandemya.
Parang nakawala sa kural ang mga tao dahil dinagsa ang pasyalan at maging ang Dolomite Park sa Roxas Blvd., tabing ilog sa Batasan Road, Quezon City at iba pang lugar para magpaaraw at mag-ehersisyo kahit papaano.
Mula Marso 2020 o sa loob ng 19 buwan, ngayon lang medyo lumuwag ang quarantine protocols bagay na sinamantala ng mga tao dahil sa tagal nilang pananatili sa loob ng kanilang bahay.
Sa katunayan, sa tagal ng pagkakakulong ng mga tao sa kanilang bahay, medyo pumuti sila dahil hindi sila nasisinagan ng araw sa loob ng 19 buwan lalo na ang mga bata.
‘Yung mga nakatira sa multi-gated subdivisions walang problema sa pagpapaaraw dahil may sapat silang espasyo para makasagap ng hangin at magpa-araw pero ‘yung mga nasa lugar na limitado ang espasyo, talagang sinamantala nila ang pagkakataon na makalabas nang magluwag at ibaba sa Alert Level 3 ang quarantine protocols.
Sana magtuloy-tuloy na ang pagbaba ng COVID-19 case sa ating bansa para tuluyan na mabuhay muli ang ekonomiya ng bansa at bumalik sa dating sigla ang mga negosyo at makabalik na sa trabaho ang lahat.
Pero ang problema, baka ang excitement ng mga tao na makalabas ay maging dahilan ng muling pagdami ng COVID-19 case lalo na’t sa mga video at larawan sa mga lugar na dinagsa ng mga tao ay mukhang hindi nasusunod ang social distancing.
Huwag naman sana.
Ramdam ko ang kasabikan ng mga tao na makalabas ng kanilang bahay at komunidad at puntahan ang mga lugar na dati nilang pinupuntahan noong hindi pa nagkakaroon ng pandemya.
Sa kasabikan ng mga tao, nakalilimutan nila ang health protocols lalo na ang social distancing dahil kumpol-kumpol silang nag-uusap habang nakaupo sa buhanginan at sa damuhan.
Walang marshall o kung meron man, baka kokonti kaya hindi nasisita ang lahat ng mga tao na hindi sumusunod sa social distancing lalo na sa entrance ng mga pasyalan.
Huwag naman sana na mangyari pero kung hindi nasusunod ang mga health protocols sa labas baka lumala muli ang sitwasyon at muling maghigpit ang gobyerno.
Alam naman natin na walang ibang solusyon ang mga kinauukulan kapag nagkaroon ng maramihang hawaan kundi community quarantine kaya tayo lamang sa buong mundo ang may pinakamahabang quarantine.
Tandaan natin na sa 109 million Filipino, 23 million pa lamang ang fully vaccinated na kaya mayorya pa rin sa atin ang posibleng mahawaan ng COVID-19 na courtesy ng China.
Kahit ‘yung mga fully vaccinated na ay hindi pa rin ligtas sa COVID-19 dahil puwede pa rin silang mahawaan. May mahal ako sa buhay na fully vaccinated na pero nahawa pa rin sila at nalagay sa panganib ang kanilang buhay.
Kaya pakiusap sa mga tao, huwag masyadong excited sa paglabas para maprotektahan ang sarili, mga kapwa at higit sa lahat ay ang ating bansa na nalugmok na sa kahirapan dahil sa pandemyang ito.
241 