HINDI nagpasindak sa mga pagbabanta ng Pangulong Rodrigo Duterte ang Senado, makaraang magbalik plenaryo para sa pagpapatuloy ng pagdinig kung saan inilahad ng Senate blue ribbon committee ang preliminary findings at mga kasong nakatakdang isampa laban sa mga opisyal ng Pharmally Pharmaceutical Corporation.
Gayunpaman, problemado ang komiteng pinamumunuan ni Senador Richard Gordon dahil sa hindi na mahagilap ang dalawang tampok na corporate executives ng kontrobersyal na kumpanyang sangkot diumano sa maanomalyang transaksyon nito sa Procurement Service ng Department of Budget and Management (PS-DBM) para sa pagbili ng iba’t ibang medical supplies.
Wala rin maski isang sumipot sa mga ipinatawag na opisyal ng gobyerno, bagay na inasahan na ng mga mambabatas makaraang maglabas ng direktiba ang Pangulo sa mga nasa ilalim ng executive branch na huwag siputin ang patawag ng Senado.
Maging ang mga nakatakdang umupo bilang resource persons, absent at di mahagilap ng Senate Sergeant-at-Arms na una nang inutusang tumungo sa address na nakatala sa mga dokumento para sunduin ang mga ito.
Sa pamumuno naman ni Senator Drilon, ginisa ng mga senador ang mga opisyal ng Pharmally Pharmaceutical at hinanap sa mga ito ang mga dokumentong magpapatunay ng “cost of sales” ng nasabing kumpanya. Tinanong din ni Senator Risa Hontiveros si Mohit Dargani tungkol sa ibinibenta nitong luxury vehicle na Ferrari.
Nang mapunta na sa tax evasion ang usapan at bantang ipa-contempt na si Dargani at kapatid nito, biglaan nitong nilisan ang hearing nang walang paalam – bagay na lubos na ikinainis ng mga senador.
Maging si Gordon, nakihanap na rin. Ang kanyang pakay – si Rose Nono Lin na tumatayong treasurer ng Pharmally Biological at Full Win Philippines na pag-aari ni Michael Yang.
Ani Gordon, hindi nagpapakita mula pa Setyembre si Lin, isang POGO operator na naghain ng kandidatura bilang kongresista sa 5th district ng Quezon City kung saan siya madalas aniyang nakikitang nag-iikot.
Sa mga nakaraang hearing, pinakita at inilahad ni Senator Gordon ang luxury cars at bahay ni Lin sa Forbes Park, Makati na inamin din ni Lin.
Ukol pa rin sa Tax evasion, ginisa naman ang mga opisyal ng TigerPhil Marketing dahil sa kakulangan ng ibinayad nitong buwis. Ang TigerPhil Marketing ay isa sa lumalabas na supplier ng Pharmally ng mga mask na siya namang pinatungan at ipinasa ng Pharmally sa PS-DBM.
Napatunayan sa pagdinig na hindi pala nagbayad ng tamang buwis ang mga opisyal ng nasabing kumpanya.
Napatunayan ding ang binilhan naman ng TigerPhil Marketing na Green Trends Trading ay pekeng address ang ginamit at kasalukuyang hinahanap ang mga opisyal nito.
Ayon naman kay Senador Ping Lacson, kataka-taka ang mga transaksyong naganap kung buwis ang pag-uusapan.
Si Lacson ang unang naglabas ng mga dokumento mula sa Bureau of Customs (BOC) na nagpakita na One Link Trading ang unang kumpanyang umangkat ng mga face mask at nagsilbing primary source ng medical supplies noong Marso ng nakaraang taon. Dito na umamin si Linconn Ong na nagkaroon ng transaksyon ang Pharmally sa customs broker na si Jeffrey Manalo na nagpasok ng nasabing supplies.
Pinasalamatan naman ng mga senador ang suporta ng medical community. Bukod sa 45 na medical organizations, limang dating Kalihim ng DOH ang pumirma sa isang pahayag ng suporta para sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ng Blue Ribbon Committee.
Nakatakda ang susunod na pagdinig sa Oktubre 28. (FERNAN ANGELES)
