Number coding ibalik na! CARMAGEDDON NA NAMAN SA EDSA

traffic

KASABAY ng desisyon ng Malakanyang na nagbaba ng alert level status sa Metro Manila, muling nagsikip ang mga pangunahing lansangan ng 17 lokalidad sa rehiyon – bagay na nagtulak sa mga

tsuper at pasahero ng mga pampublikong sasakyan na manawagan para sa pagbabalik ng number coding scheme sa kahabaan ng EDSA.

Anila, higit na matindi kesa sa dati ang pagsisikip ng daloy ng trapiko sa EDSA.

Ayon sa mga tsuper, kinakain lamang ng mabigat na daloy ng trapiko ang krudo at oras na dapat sana’y kumikita na sila maski paano sa ilalim ng “limited passenger capacity” na ipinatutupad sa mga pampublikong sasakyan.

Gayunman, nanindigan si Metro Manila Development Authority (MMDA) Chairman Benhur Abalos na hindi muna babawiin ang suspensiyon hanggat hindi pa naibabalik sa normal ang public transportation sa National Capital Region (NCR).

“Our public transportation system right now is just not normal. The buses, the carousel, it’s being managed by the Department of Transportation and medyo mahaba pa ang queue,” sambit niya sa isang panayam sa telebisyon.

Giit pa ni Abalos, patuloy nilang binabantayan ang sitwasyon ng trapiko, kasabay ng pagtitiyak na tutugunan ng kanilang ahensya ang mga lugar kung saan aniya mabigat ang daloy ng trapiko.
Kung siya aniya ang masusunod, mas maiging gumamit ng public transportation kung saan aniya ligtas ang mga pasahero sa ilalim ng panuntunang “limited passenger capacity.”

“We must always remember this, most of our kababayans only own one vehicle. If we are going to implement the number coding, they will be forced once a week to just take the public transport and they will just add to the long queue ng bus carousel,” dagdag pa niya.

Base sa datos ng MMDA, ngayong buwan nasa 390,000 ang dami ng sasakyang gumagamit sa EDSA – higit na mababa aniya kesa sa 405,000 na naitala bago pa man sumulpot ang pandemya.

Gayunpaman, inamin ni Abalos na nasa 23 kilometers per hour lamang ang average speed sa kahabaan ng nasabing kalsadang nagdurugtong sa timog at hilagang bahagi ng Metro Manila.
“Pero mas mabilis na yan kesa 11 kilometers per hour nung pre-pandemic.”

Bilang tugon sa panawagan para sa mas maluwag na EDSA lalo pa’t papalapit na ang Kapaskuhan, plano aniya nilang makipag-ugnayan sa mga may-ari ng shopping malls sa kahabaan ng EDSA para i-usad ang operating hours – mula alas-11:00 ng umaga hanggang alas-12:00 ng hatinggabi.

165

Related posts

Leave a Comment