PNP WALANG ITATAGONG PATAYAN KONTRA-DROGA

pnp

WALANG pagtutol ang Philippine National Police (PNP) sa direktiba ng Department of Justice (DOJ) na ilabas ang detalye ng 52 kaso ng pagpatay kaugnay ng kampanya ng administrasyon kontra droga.

Giit ni PNP chief Director-General Guillermo Eleazar, wala silang itinatago at pinagtatakpan, kasabay ng pagtitiyak na mananatiling “transparent” at “accountable” ang kanilang hanay.

“We welcome the decision of the Department of Justice to release these documents to the public. Simula pa lang ay lubos na ang ating kooperasyon sa DOJ sa pamumuno ni Secretary Menardo Guevarra sa pamamagitan ng ating SILG Eduardo Año, at ipinaubaya na natin sa kanila ang desisyon tungkol sa mga kasong ito in the interest of truth, transparency and justice,” pahayag ng hepe ng pambansang kapulisan.

Ibinida rin ni Eleazar ang aniya’y matagumpay na kampanya kontra iligal na droga — pagkakasabat ng multi-bilyong pisong halaga ng ipinagbabawal na gamot, pagwalis sa mga pangunahing sangkot sa kalakalan at ang pagbuwag sa mga laboratoryo ng shabu.

Aniya, bumaba na rin ang antas ng krimen sa 64% sa nakalipas ng limang taon dahil sa sigasig ng kapulisan na tuldukan ang kalakalan ng droga sa bansa.

“Marami rin sa aming hanay ang nagbuwis ng buhay sa mga operasyong ito kaya nararapat lamang na mabigyan din sila ng hustisya sa mga maling paratang tungkol dito. At huwag din nating kakalimutan ang mga sakripisyo ng inyong kapulisan na nagresulta sa pagkakakumpiska ng bilyong-bilyong halaga ng mga iligal na droga,” dagdag pa ng heneral.

Bilang tugon sa DOJ, handa aniya silang ilabas ang docket numbers, pangalan ng mga nasawing suspek, lugar at petsa ng insidente at ang obserbasyon ng panel sa mga nasabing kaso.

Ikinakasa na rin ng National Bureau of Investigation (NBI) ang case build-up para sa posibleng paghahain ng kasong kriminal laban sa mga pasaway na pulis. Nakatakda naman ang paglagda sa kasunduan sa pagitan ng PNP at NBI para sa sabayang imbestigasyon ng mga patayang pasok sa drug war, kasabay ng panawagan sa mga pamilya ng mga napatay na drug suspects na makipagtulungan sa otoridad sa hangaring mapanagot ang may sala. (JESSE KABEL)

115

Related posts

Leave a Comment