NATUNTON ng pinagsanib na pwersa ng Bureau of Customs (BOC) at National Bureau of Investigation (NBI) ang dalawang hinihinalang pinag-iimbakan ng mga mamahaling sasakyang pinaniniwalaang iligal na ipinasok sa bansa.
Sa tala ng Manila International Container Port (MICP), hindi bababa sa P500 milyon ang kabuuang halaga ng mga kotseng tumambad sa showrooms sa Xavierville, Quezon City at sa bayan ng San Simon sa lalawigan ng Pampanga.
Ayon sa isang pahayag, Oktubre 21 nang sadyain ng mga operatiba ng BOC-MICP at NBI ang mga nasabing showroom, bitbit ang isang Letter of Authority at Mission Order na nilagdaan ni Customs Commissioner Rey Leonardo Guerrero.
Anila, isang tip ang kanilang natanggap kaugnay ng diumano’y pagbabagsak at pag-iimbak ng mga mamahaling kotse at motorsiklong inangkat pa mula sa ibayong dagat.
Kabilang sa mga tumambad na luxury cars ay ang Lamborghini, Ferrari, sports utility vehicles, customized sports cars, mga trak, mga bangkang de motor at mga bullet-proof na sasakyang karaniwang gamit ng mga VIPs. Inabutan din ng mga operatiba ang mga naglalakihang motorsiklong tatak Ducati.
Sa gitna ng inspeksyon, wala naman anilang naiprisintang mga kaukulang dokumentong magpapatunay na legal ang pag-angkat ng mga nasabing sasakyang sadyang para lamang sa mga yayamanin.
Agad na inimbentaryo ng kawanihan, kasama ang mga kinatawan ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno ang mga nasabing sasakyan.
Binigyan naman ng BOC ng 15 araw na palugit ang mga may-ari ng mga mamahaling sasakyan para isumite ang mga kaukulang mga dokumento – kung mayroon man, bago pa nila tuluyang embargohin batay sa mga umiiral na panuntunan sa ilalim ng Customs Modernization and Tariff Act (CMTA)
221
