5 NPA PATAY SA PNP-PRO5 AT AFP SOLCOM JOINT OPS

LIMANG sinasabing mga kasapi ng communist New People’s Army ang napatay sa inilunsad na composite law enforcement operation ng pinagsanib na puwersa ng PNP-Police Regional Office 5 na pinamumunuan ni Regional Director Jonnel C. Estomo, at ng AFP Southern Luzon Command na nasa ilalim ng pamumuno ni Lt. Gen Bartolome VO Bacarro, sa lalawigan ng Masbate.

Ayon kay Maj. Maria Luisa Calubaquib, Bicol Police spokesperson, nauwi sa armed confrontation ang pagsisilbi ng warrant of arrest ng PNP Bicol, katuwang ang mga tauhan ng AFP-SOLCOM, sa Brgy. Bugtong, Mandaon, Masbate.

Target ng composite team na binubuo ng Regional Intelligence Division-Regional Special Operation Unit; 1st Provincial Mobile Force Company; Mandaon MPS, Masbate PPO; 96MICO, Army 2nd Infantry Battalion, 903rd Infantry Brigade ng 9th Infantry Division Philippine Army, ang akusadong si Eddie/Arnold Roseo alyas “Ka Star”, Platoon Leader ng Larangan 1, Komite ng Probinsya 4 ng Bicol Regional Party Committee, at iba pa nitong mga kasamahan.

Tumagal ang palitan ng putok ng 30 minuto na nagresulta sa pagkamatay ng apat na mga rebelde. Wala namang naitalang nasaktan o nasugatan sa panig ng gobyerno.

Si Ka Star at iba pang kasama nito ay nahaharap sa limang kasong murder, attempted murder at mga krimeng may kaugnayan sa paglabag sa International Humanitarian Law, genocide at iba pang krimen na labag sa karapatang pantao.

Nakuha mula sa pinangyarihan ng insidente ang tatlong M16 rifles, isang M14 rifle, dalawang kalibre .45, magasin at basyo ng bala para M16 at M14, IED na may detonating cord, bandolier, back packs, paraphernalia, listahan ng mga opensibang operasyon laban sa mga kawani ng gobyerno at vital installations, at iba pang mga subersibong dokumento ng NPA.

Samantala, patuloy rin ang hot pursuit at clearing operation para hulihin ang nakatakas na mga rebelde.

Ang ikinasang operasyon ay bahagi pa rin nang pagtalima ng buong hanay ng PNP Bicol sa pamumuno ni P/BGen. Estomo, sa programa ng kasalukuyang CPNP, P/Gen. Guillermo Lorenzo T. Eleazar, upang linisin ang pamayanan sa banta ng terorismo at iba pang kriminalidad.

Ipinabatid naman ni MGen. Henry Robinson Jr., commander, 9th Infantry (Spear) Division (9ID)/JTF Bicolandia, Philippine Army, ang determinasyon sa pagtupad sa misyon nitong tiyakin ang seguridad sa rehiyon kasama ang pulisya, “We will continue to thrive in securing and attaining a peaceful and progressive Bicolandia by further intensifying our efforts to go against these rebel groups.” (JESSE KABEL)

184

Related posts

Leave a Comment