4 SENIORS, 11 PA DINAKMA SA TUPADA

CAVITE – Umabot sa 15 sabungero, kabilang ang apat na senior citizens, ang dinakma ng mga tauhan ng Cavite Police habang nagsasagawa ng tupada sa magkakahiwalay na lugar sa lalawigan noong Linggo ng hapon.

Ayon sa ulat ng Cavite Police Provincial Office (PPO), isinagawa ang anti-illegal gambling operation sa Gen. Trias City, Dasmariñas City at Naic sa pagitan ng alas-10:50 noong Linggo ng umaga hanggang hanggang alas-4:30 ng hapon.

Sa Gen. Trias City, dakong alas-10:50 ng umaga nang isagawa ang tupada sa Brgy. San Francisco ng naturang lungsod kung saan anim ang dinampot kabilang ang isang 66 at 67-anyos na senior citizens.

Narekober sa lugar ang dalawang tari, dalawang sasabunging manok at P1,300 na pusta.

Dakong alas-2:30 ng hapon naman noong Linggo nang lumusob ang mga operatiba ng Dasmariñas CPS Intelligence Section sa Brgy. San Agustin, Dasmariñas City at naaresto ang apat na mananabong kabilang ang isang 60 at 70-anyos, sa aktong nagsasagawa ng tupada at narekober ang P1,300 na pusta, tatlong panabong at dalawang tari.

Halagang P1,300 ng pusta at dalawang panabong naman ang narekober nang magsagawa ng anti-illegal gambling operation ang mga operatiba ng Naic Police dakong alas-4:30 sa Brgy. Malainen Bago ng naturang bayan at naaresto ang apat na kalalakihan. (SIGFRED ADSUARA)

179

Related posts

Leave a Comment