SA paglikha ng Commission on Audit (COA), layon ng Kongresong tiyaking nasa ayos ang bawat sentimong ginagastos ng gobyerno. Pero sa mata ng mga tiwali, iba ang tingin nila sa nasabing tanggapan – isang balakid sa diskarteng pilipit.
Ang siste, dumarami ang mga tiwali kaya ang COA, hirap sa kanilang pagsusuri.
Sa ‘di kalayuang bayan ng Taytay sa lalawigan ng Rizal, may sikat na kapitan. Tigasin at brusko – sukdulang deadmahin ang obligasyong ihayag ang mga gastusin ng pamayanang pinamumunuan nito.
Sa nakalipas na walong taon, ipinagkibit-balikat lang ng tigasing si Kap. Allan de Leon ang mga direktiba ng COA kaugnay ng umano’y iregularidad sa pondo ng isa sa pinakamayamang barangay sa Calabarzon region.
Batay sa mga dokumentong nakalap mula sa COA, nagmamatigas sa direktiba ng COA si Kapitan kaugnay ng umano’y mga maanomalyang transaksyong kinasasangkutan ng iba pang mga opisyal.
Taong 2014 pa nang ilabas ng COA ang resulta ng kanilang pagsusuri sa estado ng pananalapi ng nasabing barangay, at nasundan pa umano ng mas marami pang bulilyasong naispatan ng nasabing ahensiya sa kanilang taunang audit report.
Hindi na bago ang bulilyaso sa gobyerno. Kung totoo ang bawat titik ng mga dokumento mula sa COA, mistulang ATM ang kaban ng pamayanan. Kaya ang resulta, ubos hanggang barya.
Taong 2020 nang suspindehin ng COA ang opisyal makaraan ang kanilang pagsusuri sa Barangay Dolores dahil sa umano’y pagmamatigas ni De Leon na magsumite ng mga kaukulang dokumento na magpapatunay na walang anomalya sa mga transaksyong pinasok nito mula pa noong 2014.
Kasabay ng inilabas na Notice of Suspension base sa auditing procedure, inirekomenda rin ng COA ang agarang suspensyon ng nasabing kapitan.
Ang siste, ‘di naman sinuspinde ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang opisyal.
Hindi biro ang nawawalang pondo ng gobyerno, may mga taon na mahigit P6 milyon ang pilit hinahagilap ng COA. Ipagpalagay na lang nating P6 milyon kada taon ang hindi maipaliwanag kung saan napunta, lumalabas na P48 milyon ang nawawala sa kaban ng gobyerno – P2 milyon na lang, pasok na sa plunder, isang kasong no bail batay sa umiiral na Revised Penal Code.
Kaya naman nagpasya ang COA – itigil na lang ang pag-o-audit. Anila, hindi raw nila magawang mag-audit, dahil wala naman silang susuriin.
Sa ipinamamalas na tikas ni De Leon, pihadong idol niya si Pangulong Rodrigo Duterte na sa kagustuhang pagtakpan ang mga bulilyaso ng mga taong itinalaga, sukdulan manduhan ang COA – aniya, tantanan na! O ‘di naman kaya, nasa isip niyang tamang deadmahin ang COA sa nakitang anomalya sa kanyang nasasakupan.
Pero teka. Ano nga ba ang buod ng mga ibinabatong paratang kay De Leon? Maliit na bagay lang naman – mga kwestiyonableng disbursement ng barangay, vale ni Kap, petty cash, mga reimbursement, maging ang donasyon na umano’y pinababayaran sa barangay sa gitna ng pandemya.
Pati yata personal niyang luho, sagot ng barangay kung susuriin ang mga resibong na-reimburse niya. Oops, ‘di pa kasama diyan ang SOP ha.
oOo
Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0919-259-59-07.
204 