HUWAG na tayong magtaka kung patuloy tayong binabastos ni Chinese President Xi Jinping dahil kung nagagawa niya ito sa kanyang sariling mamamayan, bakit hindi niya kayang gawin sa ibang bansa tulad natin?
Huwag din tayong magtaka na ganyan ang trato ng China sa Pilipinas dahil sa alam niyang ‘di papapalag ang Pangulo natin lalo na’t walang kakayahan ang ating Armed Forces na tapatan ang kanilang military.
Sa China, base sa mga smuggled video ng mga Chinese national na lihim na pumapalag sa paglabag sa karapatang pantao ng kanilang lider na tinatawag ngayon bilang “brutal dictator”, hindi tao kung ituring ang kanilang mamamayan.
Brutal ang aksyon sa mga mamamayan nila lalo na ngayong panahon ng pandemya at dahil sa kagustuhan ng kanilang pangulo na mawala ang COVID-19 sa kanilang bansa, lahat ay obligadong mag-swab test ang buong siyudad kapag may isang nagpositibo sa virus na nagmula rin sa kanilang bansa at itinago sa mundo.
Kahit sanggol, walang ligtas sa paulit-ulit na swab test at sapilitang dinadala ang kanilang mamamayan sa quarantine camp kahit negatibo sila sa COVID-19 kung may nagpositibo sa kanilang komunidad.
Meron din akong nabasa na dating police officer na nagsiwalat kung papaano nila tratuhin ang mga Chinese Muslim, papaano nila tortyurin ang mga kababayan nila na iba ang relihiyon.
Siyempre itinatanggi ni Xi, pero iniimbestigahan ng international community at palakas nang palakas ang ebidensya hinggil sa brutal na pagtrato nila sa mga Chinese Muslim.
Ganyan kalupit ang China sa kanilang mamamayan lalo na’t walang mainstream media sa kanila dahil bawal ang mga reporter nila na magsulat ng katotohanan at ang lalabag, may paglalagyan.
Bawal na ring bumatikos sa Hong Kong, bawal ang organisasyon kaya maraming grupo ang nagbuwag na lamang ng kanilang samahan dahil seryoso ang Beijing na busalan ang bibig ng Hong Kongers.
Kaya nga lalayas na ang Amnesty International sa Hong Kong eh. Isasara na nila ang kanilang dalawang opisina sa teritoryong ito na dating nasa pamamahala ng United Kingdom.
Hindi rin kalahi ang turing ng China sa mga Taiwanese dahil desidido silang atakehin at durugin ang bansang ito para mapilitan sumailalim sa pamumuno ni Xi Jinping.
Kung ganyan itrato ng China ang kanilang sariling mamamayan at kalahi, magtataka pa ba tayo kung ‘basura’ ang trato nila sa Pilipinas? Huwag na kayong umasa hangga’t nandyan si Xi Jinping.
Kung talagang may paggalang ang China sa Pilipinas, hindi nila uulit-ulitin ang mga bagay na ipinoprotesta natin pero paulit-ulit ang kanilang paglabag sa ating soberenya.
Ilang beses na nating iprinotesta ang kanilang militia fishing vessels sa West Philippine Sea (WPS) pero diretso sa kanilang basurahan ang mga protesta natin dahil basura ang tingin sa ating lahi.
Sabi ko nga, kung basura ang turing ni Xi Jinping sa kanyang sariling mamamayan, paano na lang sa ibang lahi tulad natin kung saan interesado sila na agawin ang ating yaman sa WPS lalo na ang langis at gaas!
315 