MAGPAPATUPAD muli ng dagdag sa presyo ng gasolina ang mga kumpanya ng langis ngunit magkakaroon ng tapyas-presyo sa diesel at kerosene na inaasahan ngayong araw.
Ayon sa Unioil, maglalaro sa P1 hanggang P1.15 sentimos ang dagdag sa kada litro ng gasolina.
Nasa 40 hanggang 50 sentimos naman ang posibleng rollback sa presyo ng diesel at 30 hanggang 40 sentimos sa kerosene o gaas.
Nakapagtala na ng siyam na magkakasunod na linggong dagdag presyo sa diesel at kerosene habang ito na ang ika-10 sunod na linggong dagdag-presyo sa gasolina.
P5 diskwento sa krudo
Samantala, umapela ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa oil companies na bigyan ng P5 diskwento ang mga tsuper ng public utility vehicles (PUV) sa gitna ng dikit-dikit na dagdag-presyo sa presyo ng mga produktong petrolyo sa bansa.
“We learned that the fuel discount varies from P1-P3 per liter. Ang hiling natin, through the DOE (Department of Energy), na manatili itong discount na ito – at kung pwede ngang maitaas up to P5 per liter… at specific for public transport,” apela ni LTFRB chairman Martin Delgra sa isang government briefing.
Ayon pa kay Delgra, nakipag-ugnayan na sila sa DOE sa hangaring maipabatid sa mga kumpanya ng langis ang kanilang apela, kaugnay ng siyam na linggong dikit-dikit na dagdag-presyo sa mga produktong petrolyo.
Kaugnay nito, nagpasya na rin ang pamahalaan na magpamahagi ng P1-bilyong subsidiya sa mga kwalipikadong tsuper ng mga PUVs pati na rin ang paunti-unting pagdaragdag ng kapasidad ng mga pasahero mula sa November 4 sa hangaring maibsan ang dagok ng mga ipinatupad na pagtataas ng presyo ng gasolina at krudo sa merkado.
Dagdag pa ng LTFRB chief, na inaayos na nila ang tiyak na petsa ng distribusyon habang inihahanda ang pagbaba ng pondong subsidiyang katumbas ng diskwentong makukuha ng mga tsuper.
Dagdag na seating capacity
Sa kabilang dako, humirit ang grupo ng mga UV Express driver na payagan silang itaas sa 70% ang kanilang seating capacity.
Ayon kay Sauyo Transport Corp. Chairman Manuel Cruz, ang pagdadagdag ng kapasidad sa UV Express vehicles ay makatutulong sa mga driver lalo pa’t patuloy ang pagtaas ng presyo ng langis.
Sa ngayon ay 50% lang ang pinapayagang seating capacity sa mga pampublikong sasakyan. (LILY REYES)
282 