NAGPALABAS ng babala ang Philippine National Police (PNP) kaugnay ng isang isang modus na bumibiktima sa mga naghahanap ng banyagang karelasyon sa iba’t ibang social media platforms, kasunod ng pagkakadakip sa dalawang Nigerians na pinaniniwalaang sangkot sa tinatawag na “love scam.”
Partikular na pinag-iingat ni PNP chief, Gen. Guillermo Eleazar ang mga “loveless” sa aniya’y modus kung saan karaniwang nakikipag-relasyon ang mga suspek sa mga Pinay na kalaunan ay nahuhuthutan ng libo-libong salapi sa paraan ng pamba-blackmail.
Aniya, ang pagkakadakip kina Felix Aondowase at Emmanuel Abia sa entrapment operation ay patunay ng malawakang operasyon ng isang sindikatong nagpapanggap na mga Australian nationals para makapangbiktima ng mga babaeng hinihingian ng mga hubad na larawan gaya ng ginawa sa isang biktimang taga-Cavite.
Reklamo ng biktima, nakuhanan siya US$8,000 ng kanyang nakarelasyon dahil sa takot na totohanin ang bantang ikakalat sa social media ang kanyang hubad na larawan.
“This is not the first time that we encountered and arrested Nigerians using this modus that is why I already ordered our Anti Cybercrime Group at Criminal Investigation and Detection Group to help each other to bust this syndicate. Hindi natin hahayaan na paglaruan lalo na ng mga dayuhan ang wagas na pag-ibig na inalay ng ating mga kababayan,” pahayag ni Eleazar.
Payo pa ng heneral, maging maingat at mapanuri sa mga nakikilala sa social media, lalo pa aniya’t laganap na ang nasabing modus.
“The anonymity offered by the internet makes it a playground for scammers particularly at this time of pandemic when most of us are spending longer hours online,” dagdag pa niya.
“Hindi karupukan at kahangalan ang umibig dahil papasok at papasok ito sa puso nating lahat. Ang kailangan lamang ay ang ibayong pag-iingat lalo na kung malaking pera na ang pinag-uusapan, upang hindi ito mauwi sa lokohan at matinding iyakan,” pahabol pa ni Eleazar. (JESSE KABEL)
392 