PAGPAPATULOY NG BUHAY SA KABILA NG PANANATILI NG PANDEMYANG COVID-19

PATULOY na sa pagbaba ang bilang ng bagong kaso ng COVID-19 kada araw, hindi lamang sa National Capital Region (NCR), kundi pati na rin sa buong bansa. Sa wakas, nagtagumpay na ang pamahalaan sa pagkontrol sa pagkalat ng mas nakahahawang Delta variant. Kaugnay nito, idineklara ng Department of Health (DOH) kamakailan ang Pilipinas bilang low risk sa nasabing virus.

Bumuti na rin ang sitwasyon sa NCR. Ayon kay OCTA Research Fellow Guido David, ang average na bilang ng bagong kaso ng COVID-19 kada linggo ay bumaba sa 901 ngayong linggo kompara sa 1,405 noong nakaraang linggo. Maging ang positivity rate na nasa 7% noong nakaraang linggo ay kasalukuyang nasa 6%. Ito ay mataas lamang ng bahagya sa inirerekomendang antas ng World Health Organization (WHO) na mababa sa 5%.

Nagbigay naman ng paalala sa publiko ang OCTA Research na huwag maging kampante dahil ang pagbuti ng sitwasyon ay hindi nangangahulugan na hindi na muli maaaring tumaas ang bilang ng bagong kaso kada araw. Kailangang ipagpatuloy ang pagsunod sa mga panuntunang pangkaligtasan at pangkalusugan gaya ng pagsunod sa social distancing at ang patuloy na pagsusuot ng hospital grade na mga face mask.

Kasunod ng magandang balita ukol sa pagbaba ng bilang ng bagong kaso ng COVID-19 sa bansa ay ang balita ukol sa unang kaso ng bagong variant B.1.1.318 sa bansa. Ang variant na ito ay unang nadiskubre sa Mauritius noong Hunyo at napabalitang nagdulot ng matinding pagtaas ng kaso ng virus sa nasabing bansa. Nilinaw naman ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na bagama’t may bagong variant na nadiskubre sa bansa, hindi raw dapat mangamba ang mga mamamayan dahil ang B.1.1.318 ay tinukoy ng WHO bilang ‘variant under ­monitoring’. Ang mga pagsusuri at pagsasaliksik ukol sa katangian nito at epekto ng mga bakuna sa nasabing virus ay kasalukuyang isinasagawa ng mga eksperto.

Nakagagaan naman sa kaloobang malaman na tila maagap ang National Task Force (NTF) against COVID-19 ukol sa ­usaping ito. Siniguro naman ni NTF Chief Implementer Carlito Galvez, Jr. sa publiko na patuloy nitong ipatutupad ang istratehiyang “prevent-detect-isolate-treat-reintegrate” na siyang naging susi sa pagkontrol sa mas nakahahawang Delta variant. Binigyang diin din n’ya ang pagpapaigting ng pamahalaan sa programa sa pagbabakuna gamit ang istratehiyang ‘vax to the max’.

Ang unti-unting pagbuti ng sitwasyon ng bansa, lalo na sa NCR, ay pagkakataon na upang muling buksan ang ekonomiya – isang bagay na hindi dapat palagpasin ng pamahalaan. ­Napapanahon na upang mas pagsumikapang maibalik sa normal na takbo ang buhay at bawiin ang nawala sa ating ekonomiya dahil sa pandemyang ito. Ayon sa Japan Center for Economic Research (JCER), tinatayang hindi bababa sa P2.2 trilyon ang halaga ng nawala sa ekonomiya ng Pilipinas.

Ngayong mataas na ang antas ng nabigyan ng bakuna sa NCR, panahon na rin upang ituon ang pokus ng programa sa labas ng rehiyon. Ito ay kinakailangan upang tayo, bilang isang buong bansa, ay magkaroon ng lakas ng loob na mamuhay nang normal sa gitna ng pandemya.

Ang COVID-19 ay hindi basta-bastang mawawala, bagkus, ito ay patuloy pang sasailalim sa mutation. Kailangan ­nating matutong mamuhay ng ligtas sa kabila nang pananatili ng pandemya. Ito lamang ang tanging paraan upang muling ­makabangon ang Pilipinas. Bagama’t hindi sapilitan ang pagpapabakuna sa bansa, nawa’y ituring natin ito bilang obligasyon hindi lamang sa bansa kundi pati na rin sa ating kapwa.

510

Related posts

Leave a Comment