SA gitna ng kinasasadlakan ng mga mamamayan, hindi makataong bigyan pa ng dagdag pasanin ang bayan, tulad ng pwersahang pagpapatupad ng Comprehensive Driver’s Education para sa renewal ng lisensya sa mga pagmamaneho ng sasakyan.
Kung tutuusin, dapat lamang tiyakin ng Land Transportation Office (LTO) na tanging mga responsableng drayber lamang ang mabibigyan ng pribilehiyong makapagmaneho ng sasakyan sa mga lansangan.
Tama rin namang tiyaking ligtas hindi lamang ang mga drayber kundi ang mga taong nakalulan.
Ang siste, dapat ang ganitong paghihigpit ay ipatupad sa mga bago pa lang kumukuha ng lisensya – hindi sa mga drayber na sanay na sa pagmamaneho sa mga kalsada.
Malinaw ang adyenda ng nasabing ahensya. Pakitain ang mga kumpanyang napangakuan kapalit ng ganansya. Aminin man ng LTO o hindi, pera-pera na lang ang kalakaran sa nasabing tanggapan ng pamahalaan.
Mantakin mong mas mahal pa ang lintek na CDE kaysa lisensya!
Bago pa man ang paandar na CDE, nariyan din ang private motor vehicle inspection centers (PMVICs) na pansamantalang hindi muna ipatutupad sa pagrerehistro ng mga sasakyan dahil sa pagtutol ng marami. Katwiran ng mga motorista, dagdag parusa sa gitna ng pandemya.
Pero teka, bakit nga ba ipinagpipilitan ng LTO ang kanilang adyenda? Hay naku… ang LTO, sadya yata talagang pera-pera.
477 