PINAG-UUSAPAN nitong mga nakaraang araw ang “vote buying” na sinasabing magiging high-tech na dahil digital na ang bayaran hindi tulad ng mga nakaraan na cash muna bago araw ng botohan.
Ang tagal nang isyu ito at lagi itong pinag-uusapan kapag paparating na ang eleksyon. Parang sirang plaka na paulit-ulit na lang pinag-uusapan pero wala namang inilalatag na solusyon ang mga nakaupo sa kapangyarihan.
Pero bakit nauso ang vote buying? Kailan ito nagsimula at sino ang pasimuno na bayaran ang mga tao para sila ay iboto?
Walang solidong kasagutan pero maraming opinyon ang mga tao kung papaano ito nagsimula, sino ang nagsimula at bakit tinatanggap naman ng mga tao ang pera kapalit ng kanilang boto.
Sa isang kumustahan sa online ng mga barkada, may nagsasabi na nagsimula ang bilihan ng boto sa ibaba. Meaning sa local officials kaso walang makapagsasabi kung kailan nagsimula.
Hindi naman daw lahat pero maraming local candidates ang nagsimulang bumili ng boto para masiguro na hindi sila matatalo lalo na ‘yung mga walang nagawa at may matinding kalaban sa posisyon.
Meron din akong kakilala na inalok ng mga tao tumakbo bilang barangay captain noong nakaraang barangay at SK elections pero umatras, hindi dahil ang liit ng insentibo na hindi nakabubuhay sa pamilya, kundi dahil kailangan daw niyang maglabas ng pera.
Kailangan daw kasing bayaran ang mga tao para siya ang iboto kaya tinanggihan niya ang alok dahil una, wala siyang pera at pangalawa, malalayo siya sa kanyang pamilya at higit sa lahat ayaw niyang bumili ng boto.
Bakit daw sya bibili ng boto eh magsisilbi na nga siya at isasakripisyo ang kapakanan ng pamilya para makapagsilbi sa kanyang mga kabarangay? May tama naman siya.
Pero ang katotohanan, nagpapabayad na ang mga tao kapalit ng kanilang boto dahil ang katuwiran nila, bakit hindi nila tatanggapin ang pera eh pagkatapos ng eleksyon nakalilimutan na rin naman sila?
Tama rin sila dahil karaniwan, kapag nahalal na ang mga kandidato, hindi na maalala ang kanilang ipinangako sa mga tao. ‘Yung pangakong magandang buhay ay hindi natutupad.
Pero isa ako sa hindi pabor na mamili ng boto ang mga pulitiko dahil kapag nagbenta ka ng boto, wala ka na ring karapatan na maghanap ng achievement sa pinagbentahan mo ng boto mo.
220 