SA panahon ng krisis ay nariyan ang oportunidad at oportunista sa mga tao, lalo na ang mga negosyante.
Dalawang klase ang negosyante, mayroong patas kung lumaban, hindi siya mapagsamantala sa mga tao.
Kumita man siya sa kanyang negosyo ay tama lang o rasonable.
Ang pangalawa ay ang negosyanteng walang puso sa kanyang kapwa.
Mas gusto n’yang kumita na walang pakialam sa mga tao na naghihirap na dulot ng krisis na nararanasan.
Tulad na lamang nitong kasagsagan ng COVID-19 nung nakaraang taon.
Ramdam na ramdam ng maraming tao ang pananamantala ng ilang negosyante.
Sa katunayan may inimbestigahan ang Senado sa usapin ng over price na medical supplies para sa COVID-19.
Ang tinutukoy po natin ay ang Pharmally Pharmaceutical Corporation na pag-aari ng mga Taiwanese national.
Binubusisi ng mga senador ang kumpanya dahil sa overprice na medical supplies na kanilang ibinenta sa gobyerno ng Pilipinas.
Kung pagbabasehan natin ang akusasyon ng mga senador sa Pharmally ay pinagsamantalahan nito ang lahi ni Juan sa panahon ng krisis.
Mayroon din namang tumulong na mga negosyante sa panahon ng COVID-19 tulad kay Ginoong Ramon S. Ang ng San Miguel Corporation.
Maraming ibinigay ‘yung mama na medical supplies at pagkain sa mga nangangailangan nitong kasagsagan ng COVID-19.
Kaya dahil kay COVID-19 ay maraming natutunan ang taumbayan.
Nakita at naramdaman din natin kung ano ang ating mga pagkukulang nitong dumating ang COVID-19.
Kailangan pala natin na palaging maging handa, tulad sa pinansyal na usapin.
Kung baga hindi ubos-ubos biyaya, kailangan din natin magtabi para sa susunod na mga araw.
Marami ang nabigla na hindi akalain na tatagal nang ganito ang COVID-19 pandemic, marami ang naghirap sa mga Pinoy dahil hindi tayo naging handa sa pagdating ng krisis.
Dumako naman po tayo sa politiko.
Nakita rin natin na marami sa kanila ang hindi nagpakita o nagparamdam sa kasagsagan ng COVID-19.
Marahil, takot sila na mahawaan sila ng COVID-19 o kaya sinadya nilang hindi magbigay ng tulong sa mga nangangailangan.
Kaya sa 2022 national at local elections ay vote wisely!
oOo
Para sa suhestiyon at reaksyon mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0919-259-59-07.
179 