Boksingerong Pinoy sa 2024 Olympics tutulungan ni RSA

SA layong mabawi ang nawalang oportunidad ng mga boksingerong Pilipino na manalo ng gintong medalya sa nakaraang XXXII Games of the Olympiad na idinaos sa ­Tokyo, nangako si businessman-sportsman Ramon S. Ang ng San Miguel Corp. ng tulong upang maisakatuparan ang mga pangarap na naunsyami dala ng COVID-19.

Maalalang ang kumunidad ng boksing sa bansa ay umasang matuldukan ang 97 taong paghihintay simula nang ang Pilipinas ay unang lumahok sa Olimpiyada noong 1924 sa Paris.

Ang dahilan: ang pamamahala ng kompetisyon mula sa mga qualifying tournament hanggang sa mismong Olympics ay inalis sa International Boxing Association (AIBA) at napunta sa International Olympic Committee.

Ang resulta: nawala ang ­maraming bintang na dayaan sa pagtatalaga ng mga opisyal na hahawak ng kompetisyon ‘di lamang sa Olimpiyada, kundi maging sa iba pang labanang international sa amateur.

Katunayan, AIBA ang sinisisi sa pagkabigo ng mga Pilipinong tulad nina Anthony Villanueva at Mansueto “Onyok” Velasco na maiuwi ang gintong medalya ­galing Olimpiyada, noong 1964 sa Tokyo at 1996 sa Atlanta. Kapwa nagkasya sa silver medal ang dalawang boksingero.

Noong Huwebes ng hapon, personal na ginawaran ni Boss RSA ang mga boksingerong sina Nesthy Petecio (featherweight), Carlo Paalam (flyweight) at Eumir Marcial (middleweight) ng insentibong pinansiyal dahil sa karangalang natamo mula sa Tokyo Games. Sina Petecio at Paalam na kapwa nakapagbulsa ng medalyang pilak ay may tig-P5 milyon, habang ang bronze medalist na si Marcial ay pinagkalooban ng P2 milyon.

Nauna sa kanila, binigyan ng SMC si weightlifter Hidilyn Diaz ng P10 milyon bilang kauna-unahang atletang Pilipino na nakapag-uwi ng Olympinc gold medal.

Nagpahayag si G. Ang ng pag-asang gaya ni Diaz, makamina rin ng ginto ang iba pang boksingerong Pinoy pagdating ng XXXIII Games sa Paris sa 2024, na nagkataong ika-100 taong paglahok ng Pilipinas sa Olimpiyada.

Bukod sa financial incentive, pagkakalooban din ni Boss RSA sina Petecio, Paalam at Marcial ng puhunan para magtayo ng negosyo sa ilalim ng SMC sa mapipili nilang lugar. Si Eumir ay tubong Zamboanga City, si Carlo sa Cagayan de Oro City at si Nesthy sa Davao del Norte.

Nagpahayag din ng pag-asa si Ang na matulad si Marcial, nag-pro boxing bago ang Tokyo Olympics, kina Gabriel “Flash” Elorde at Manny Pacquiao na kapwa nagkaroon ng kaugnayan sa San Miguel.

“Eumir’s first bout (as a pro) is impressive, considering that he turned pro and fought his first pro bout (vs. Andrew Whitfield) following a long layoff due to the pandemic. I see him reaching the greater heights like great boxers Flash Elorde and Manny Pacquiao, who have long been associated with San Miguel during and even after their professional careers.

“If he becomes a champion in his division in the coming years and also wins a gold medal in the Paris Olympics in 2024, then he will have the unique distinction of being the first one to do so,” sabi ni Boss RSA patungkol kay Marcial, na noong Oktubre 28 ay nagpakasal sa kanyang long-time girlfriend na si Princess Jenniel Cabradilla Galarpe, isa ring amateur boxing national champion mula Cagayan de Oro City.

Ang San Miguel ang pinaka­matandang supporter ng Philippine sports mula pa noong 1930s, tinulungan din ang pambansang delegasyon na nagwagi ng 149 gold medals, 117 silvers, at 121 bronzes sa 2019 Southeast Asian Games para muling maging overall champion sa pangalawang pagkakataon. Ang una ay noong 2005, nang maging host city rin ang Manila at umani ang mga atletang Pinoy ng 112 golds, 85 silvers, at 93 bronzes.

153

Related posts

Leave a Comment