PARAMI nang parami ang mga Filipino nurse na gustong magtrabaho sa Amerika.
Ito ang nabatid mula kay Anakalusugan Party-list Rep. Mike Defensor, matapos tumaas ng 25% ang mga sumailalim sa National Council Licensure Examination (NCLEX) mula Enero hanggang Setyembre ng kasalukuyang taon.
Ayon sa mambabatas, umaabot sa 5,957 ang kumuha ng NCLEX sa unang pagkakataon sa nabanggit na panahon o mas mataas ng 25% sa naitalang 4,758 noong 2020 base sa datos ng U.S. National Council of State Boards of Nursing Inc.
“We expect a large number of Filipino nurses to aspire to move into America’s labor market in the months ahead because of the irresistible lure of high pay,” ayon sa mambabatas.
Inihalimbawa ng mambabatas ang isang registered nurse na nagtatrabaho sa California ay sumasahod ng US$120,560 kada taon o katumbas ng P6.1 million.
“Right now, there are thousands of unfilled hospital nursing staff vacancies across America,” lalong dumarami aniya ang mga Filipino nurse na nagbabakasakali na makapagtrabaho sa Amerika.
Base aniya sa nursing agency na Aya Healthcare na nakabase sa San Diego, California, mayroong 55,000 job opening para sa tinatawag na “travel nurses” para mapunan ang pangangailangan ng mahigit 3,000 US hospitals sa loob ng 13 hanggang 26 linggo.
Dahil dito, nangangamba ang mambabatas na magkaroon ng shortage sa nurse sa bansa kung hindi kikilos ang gobyerno para itaas ang sahod ng mga ito upang hindi na sila umalis.
Maiiwasan aniya ito kung maipapasa na ang kanyang House Bill (HB) 7933 na layuning itaas sa P60, 901 ang starting pay ng mga nurse sa bansa mula sa kasalukuyang P33,575 kada buwan.
“We are counting on our measure, once enacted, to help dissuade at least some of our nurses, particularly those with strong ties here at home, from going overseas,” ani Defensor. (BERNARD TAGUINOD)
235 