MAINIT pa rin ang mga kamay ni Pilipino cue artist Carlo Biado na matapos maghari sa US Open Pool ay nakopo rin ang Abu Dhabi Open 9-Ball, Biyernes sa Power Break Billiard Hall sa United Arab Emirates.
Diniskaril ng 2021 US Open Pool champ ang kababayang si Jordan Banares, 13-6, sa Abu Dhabi final at ibinulsa ang AED20,000 (P272,000) cash prize.
Nakatanggap naman si Banares ng AED10,000 (P136,000) bilang runner-up sa 64-man tourney na organisa ni Abu Dhabi-based Pinoy Jayson Nuguid.
“I’m very happy to win again, especially in an international tournament like this Abu Dhabi Open 9-Ball Championship. Maagang Pasko ito,” sabi ng tubong La Union na si Biado.
Unang tinalo niya sina Arnel Bautista, 9-7, at UAE’s Mohamad Eiljeffrey, 9-0 sa group stages bago dinispatsa si Venancio Tanio sa round of 16 sa iskor na 11-4.
Binigo rin ni Biado ang nakaharap sa quarterfinals na si Roland Garcia, 11-5, at saka isinunod ang nakatapat sa semifinals na si Harry Vergara, 11-8, bago nangibabaw kay Banares sa finals.
Pinatunayan ng mga Pinoy cue artists ang husay nila sa nasabing sport nang umabante ang 12 sa round of 16, at pito sa quarterfinals tungo sa all-Pinoy semis at finals.
