SA pagsusumikap ng Armed Forces of the Philippine Northern Luzon Command na matupad ang kanilang self-imposed deadline na wakasan ang communist terrorist group sa kanilang area, sunod-sunod na military offensive ang kanilang inilulunsad.
Ayon kay Northern Luzon Command chief, Lt. Gen. Arnulfo Marcelo Burgos, sa kanilang pinal na operasyon para tuluyang durugin ang CPP-NPA sa hilaga at gitnang Luzon, anim na mataas na pinuno ng communist terrorist group ang nadakip ng kanyang mga tauhan sa kahapon.
Kinilala ang mga arestado na sina Gil Peralta alyas “Elmo”, secretary ng Komiteng Rehiyon – Cagayan Valley (KR-CV) na nasakote sa Barangay Mariblo, Quezon City; Irene Agcaoili alyas “Ayang”, head finance ng KR-CV; Lourdes Bulan alyas “Simang”, Execom member ng KR-CV; Arcadio Tangonan alyas “Tiago”, IO ng KR-CV; alyas “Bonel”, intelligence officer ng KR-CV, at alyas “Bebang” na nadakip naman sa Barangay San Vicente, Sta. Maria, Bulacan.
Nakuha sa pag-iingat ng mga nadakip ang isang M16 rifle, tatlong caliber .45 pistols, limang anti-personnel mines, at tatlong granada.
Tatlo sa mga personalidad na naaresto, partikular sina Gil Peralta, Irene Agcaoili, at Lourdes Bulan ay pawang may pending arrest warrants sa kasong murder, multiple murder, multiple attempted murder, arson, at robbery.
Ayon kay MGen Laurence E. Mina, commander ng Army’s 5th Infantry Division, na siyang nangasiwa sa isinagawang joint law enforcement operation, “The recent setback of the communist terrorists at the hands of the government forces is a testament of our steadfast commitment to end the communist terrorists’ reign of terror in Northern Luzon”.
Una rito, nakasagupa ng 50th Infantry Battalion ang isang grupo ng communist terrorists sa ilalim ng Kilusang Larangang Gerilya -BAGGAS sa Barangay Bagtayan, Pasil, Kalinga na nagresulta sa pagkamatay ng isang Julio Dumalyung alyas “Poli”, regular member ng CPP-NPA, na nakuhanan ng mga baril at bala. (JESSE KABEL)
184 