GUN-FOR-HIRE, LAGLAG SA BITAG NG PNP-PRO5

HABANG papalapit ang eleksyon sa susunod na taon, puspusan ang paglalatag ng iba’t ibang operasyon kontra kriminalidad ng PNP Bicol upang matiyak ang maayos at tahimik na pagboto ng mga Bicolano, ayon kay PNP-PRO5 Regional Director Jonnel C. Estomo.

Ang pahayag ni P/BGen. Estomo ay kasunod nang pagkaka-aresto sa isang hired killer na miyembro ng isang robbery at gun for hire group sa Mercedes, Camarines Norte.

Ayon kay PNP-PRO5 Public Information Office chief, P/Major Malou Calubaquib, nadakip sa ikinasang law enforcement operation si Domingo Babagay Base Jr., na isang miyembro ng Vienes criminal group, naninirahan sa Purok-4B, Barangay Pambuhan, Mercedes, Camarines Norte.

Dakong 5:35 ng umaga noong Lunes nang masakote ng mga awtoridad si Base sa bisa ng search warrant kaugnay sa paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Act. Ito ay inilabas at nilagdaan ni Hon. Evan D. Dizon, Executive Judge ng Branch 40, Daet, Camarines Norte, noong Nobyembre 9, 2021.

Nakuha mula sa suspek ang isang kalibre .45, dalawang magasin para sa nasabing pistol, isang .38 revolver; anim na bala para sa kalibre .45, apat na bala para sa kalibre .38, at holster para sa kalibre .38.

Wala namang maipakitang papel ang suspek bilang patunay sa legal na pagmamay-ari ng mga ito.

Si Base ay isang aktibong kasapi ng Vienes criminal group na sangkot sa garapalan at malawakang pagnanakaw at gun-for-hire activities sa probinsya ng Camarines Norte.

Ang pagkakahuli sa suspek ay bahagi ng Oplan Paglalansag Omega at Oplan Salikop na inilulunsad ng pulisya katuwang ang iba pang ahensya ng gobyerno na nagkakaisa sa layuning panatilihin ang kapayapaan sa Bicol, ani Calubaquib.

Samantala, pinuri naman ni P/BGen. Estomo ang mga nanguna sa matagumpay na operasyon na binubuo ng CIDG Camarines Norte PFU, CN 1st at 2nd PMFC, RIU-PIT 1, CN-PIU, 91st SAC, CN PHPT, at Mercedes MPS. (JESSE KABEL)

178

Related posts

Leave a Comment