NAKUMPISKA ang tinatayang 350 gramo ng umano’y shabu na tinatayang P2.4 milyon ang halaga sa isang 24-anyos na lalaking nagsabing napag-utusan lang siya sa New Lower Bicutan, Taguig City noong Martes ng gabi.
Ayon sa ulat ng Taguig City Police, nagsumbong ang isang concerned citizen na may gaganaping transaksyon sa ilegal na droga sa Maguindanao Avenue bandang alas-8:00 ng gabi.
Bunsod nito, nagkasa ang mga awtoridad ng Oplan Galugad at naaktuhan ng mga pulis ng Taguig Substation 9, ang mga suspek na sina alyas “Salik” at isang alyas “Akmad” habang nag-aabutan ng ilegal na droga.
Gayunman, nakatakas si Akmad ngunit nadakip si alyas Salik na nakumpiskahan ng isang bag na naglalaman ng pitong sachet ng umano’y shabu, digital weighing scale, at P5,000 cash.
Paliwanag ng suspek, hindi niya alam na droga ang laman ng bag na bitbit niya at hindi niya kilala ang nagpadala ng bag sa labas ng kanyang bahay kapalit ng P3,000.
Pumayag umano siya para may pambili ng gatas ng kanyang 7-anyos na anak. (DAVE MEDINA)
335 