HINDI palalampasin ng bagong pamunuan ng Philippine National Police (PNP) ang mga pulis sa likod ng palpak na asuntong isinampa laban sa anak ng bilyonaryong nahulihan ng droga sa silid kung saan natagpuang walang buhay ang nobyang si Brianna Jonson sa bayan ng San Juan, lalawigan ng La Union nitong nakaraang Setyembre.
Sa isang pahayag, sinabi ni PNP chief Lieutenant General Dionardo Carlos na kanilang rerebisahin ang naging butas na nagtulak sa La Union Regional Trial Court na ibasura ang kasong illegal possession of prohibited drugs laban kay Julian Ongpin.
Kasabay nito, masusi rin niyang pag-aaralan ang posibilidad na panagutin ang mga pulis na nagsampa ng depektibong asunto, batay sa resolusyon mula sa korteng nagsabing hindi sumunod sa tamang proseso ang mga pulis na humawak ng kaso. Partikular na tinukoy ng korte ang umano’y maling proseso ng pagsisiyasat at paghawak ng mga nakalap na ebidensya.
Nito lamang Lunes nang ibasura ng korte ang kaso laban kay Ongpin na diumano’y kasintahan ng pumanaw na si Jonson. Giit ng husgado, wala rin sapat na dahilan para magpalabas ng warrant of arrest laban sa herederong anak ni dating Trade Secretary Bobby Ongpin.
“We will look back. We will investigate how this case was dismissed based on mishandling of the evidence. We will review. We’ll look if the procedures were followed, if the investigators or the evidence custodian failed to follow the procedure then we’ll make him responsible.
We’ll make him answer for the mistake. For the rest of the cases, we handle it by case. We always look at each case that’s why ganun ang ginagawa natin,” sambit ni Carlos sa isang panayam.
Una nang inamin ng mga rumespondeng imbestigador at SOCO team na hindi nila nagawang markahan ang ebidensya sa harapan ni Ongpin dahil dinala nila ito sa pagamutan para sa kinakailangan medical examination kung saan ay nagpositibo ito sa paggamit ng droga. (JESSE KABEL)
170
