LIGTAS AT PAYAPANG PASKO, TITIYAKIN NG PNP BICOL

PAGPASOK pa lamang ng “ber” months ay sinimulan na agad ng PNP Bicol ang iba’t ibang paghahanda para sa darating na yuletide season. Ito ay upang tiyaking ang seguridad ng bawat Bicolano sa pagdiriwang ng Pasko at Bagong taon. Ayon kay PNP-Police Regional Office 5 Director P/BGen. Jonnel C.

Estomo, bahagi ng kanilang paghahanda ang maximum deployment ng mga pulis sa mga lugar na inaasahang madalas puntahan at dagsain ng mga tao.

Pinaigting din ang police and mobile visibility upang mahigpit na masubaybayan ang mga kaganapan sa komunidad at magsilbing babala sa criminal elements.

Bukod dito, pinalakas din ni General Estomo ang mga nakalatag na checkpoint sa kalsada na naglalayong siguruhin ang kaligtasan ng mga biyahero at limitahan ang pagkilos ng mga tao dahil sa COVID-19 pandemic.

Pinaalalahanan din ang publiko sa istriktong pagsunod sa health protocols at iwasan ang pagtitipon-tipon na madalas nagiging sanhi ng pagkakahawaan ng coronavirus.

Kaugnay rin nito, walang humpay pa rin ang pagsasagawa ng anti-criminality campaigns ng mga awtoridad upang mapigilan ang masasamang loob at grupo sa pagsasagawa ng opensibang aksyon at pananamantala sa publiko.

Mas pinatatag din ng PNP ang koordinasyon mula sa lokal na pamahalaan at iba pang ahensya para sa epektibong pagpapatupad ng batas pati na rin ng mga panuntunan sa matiwasay, payapa at masayang pagdiriwang ng kapaskuhan.

“Bagama’t tayo ang nahaharap pa rin sa suliranin dala ng COVID-19 pandemic, pagsisikapan ng PNP Bicol na mabigyan ang bawat mamamayang Bicolano ng pagkakataon na alalahanin at magdiwang sa Paskong ito. Hindi man sa paraang nakasanayan natin ngunit sana’y mas manaig ang pagkakaisa at pagkakaunawaan na siya naman talagang tunay na kahulugan ng Pasko. ‘Wag nating kalimutang magpasalamat sa Panginoon sa lahat ng biyaya at kalakasang patuloy na ibinabahagi sa ating lahat. Mula sa hanay ng PNP Bicol, isang maagang pagbati ng Maligayang Kapaskuhan sa inyong lahat,” ayon kay P/BGen. Estomo. (JESSE KABEL)

241

Related posts

Leave a Comment