DALAWANG araw matapos itaboy ng Chinese Coast Guards, muling naglayag ang Philippine Navy gamit ang dalawang civilian supply boats para maghatid ng mga pangunahing pangangailangan ng mga sundalong lulan ng barkong BRP Sierra Madre na nakaantabay sa pinag-aagawang teritoryo ng Ayungin Reef.
Ayon kay Defense Sec. Delfin Lorenzana, umalis mula sa Oyster Bay sa Palawan ang supply ships at inaasahan na makararating ito sa Ayungin Shoal kahapon ng umaga (Martes).
Pinawi rin ng Kalihim ang agam-agam sa muling pagpalaot ng sasakyang dagat ng Pilipinas kasunod umano ng pagtitiyak ni Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian na nangakong hindi na mauulit ang insidente – sa kondisyong walang iba pang barkong kasama ang mga supply ship patungo sa Ayungin Reef.
Gayunpaman, tiniyak ni Lorenzana na magiging regular ang komunikasyon ng dalawang supply ships sa AFP, kasabay ng pagtitiyak na mabilis na magpapadala ng Navy plane ang gobyerno sa sandaling dumating na sa destinasyon ang mga supply ships.
Paglilinaw niya, magmamasid lamang ang mga eroplanong kanilang paliliparin sa himpapawid.
Una nang iginiit ni Foreign Affairs Secretary Teddyboy Locsin na walang anomang karapatan o otoridad ang bansang Tsina sa nasabing teritoryong pasok sa exclusive economic zone ng bansang Pilipinas. Paalala pa ni Locsin sa Tsina, saklaw ng RP-US Mutual Defense Treaty ang anumang pag-atake sa mga sasakyang dagat ng Pilipinas.
Kaugnay nito, naglayag na rin patungo sa South China Sea ang 15 barkong pandigma mula Royal Australian Navy, Royal Canadian Navy, German Navy, Japan Maritime Self-Defense Force (JMSDF) at US Navy para sa multilateral military exercises sa ilalim ng ANNUALEX 2021.
Kahapon ay kinumpirma rin ng Palasyo na nakarating na ang supply vessels sa tropa ng mga Pilipinong nakatalaga sa Ayungin Shoal (Second Thomas Shoal) sa West Philippine Sea.
Inanunsyo ito ni Acting presidential spokesperson at Cabinet Secretary Karlo Nograles.
“Dumating na ang resupply boats sa Ayungin Shoal at nakarating na ang supply sa BRP Sierra Madre ngayong tanghali,” ayon kay Nograles.
Sinabi naman ni Armed Forces Western Command chief Vice Admiral Ramil Roberto Enriquez: “resupply boats safely arrived BRP Sierra Madre at 11AM. No untoward incident.”
Nauna rito, kinondena ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang aksyon ng mga barko ng China na umatake sa Philippine vessels na patungo sa Ayungin Shoal, anim na araw na ang nakalilipas, at sinabing nakasusuklam ang gawaing ito.
“We abhor the recent event in the Ayungin Shoal and view with grave concern other similar developments,” ani Pangulong Duterte.
“This does not speak well of the relations between our nations and our partnership,” dagdag pa niya sa ASEAN-China special summit.
Pinaalalahanan din ng Pangulo ang China na kailangang ayusin ang paghahabol nila sa South China Sea sa ilalim ng batas at kailangan umanong magkontrol ng stakeholders, iwasan ang tensyon at magtulungan tungo sa mapayapang resolusyon ng hindi pagkakaunawaan alinsunod sa international law.
Sa ilalim ng UNCLOS, itinuturing na exclusive economic zone (EEZ) ng isang bansa ang isang teritoryo na saklaw hanggang 200 nautical miles.
Gayundin, sinabi ni Duterte sa China na umaasa ito sa konklusyon ng isang epektibo at matibay na Code of Conduct sa South China Sea. (JESSE KABEL/CHRISTIAN DALE)
