ISANG malalimang imbestigasyon ang ikinasa ng Bureau of Customs (BOC) sa naglipana sa merkadong piniratang produktong patok sa tuwing papasok ang kapaskuhan, kasunod ng pagsalakay sa isang bodega sa Pasay City kung saan tumambad ang bulto bultong smuggled counterfeit merchandise na pinaniniwalaang mula sa bansang Tsina.
Sa tala ng ng Port of Manila, aabot sa P1.1 bilyon ang halagang nakumpiska ng mga pinagsanib na operatiba ng Intelligence Group (IG) at Customs Intelligence and Investigation Service-Intellectual Property Right Division (CIIS-IPRD) sa Baclaran Wholesale Complex sa Pasay City.
Bitbit ang isang letter of authority na nilagdaan mismo ni Customs Commissioner Rey Leonardo Guerrero, pinasok ng mga operatiba ang nasabing pasilidad base sa tip ng isang impormante kaugnay ng lantarang pagbebenta ng mga pinekeng produkto tulad ng signature bags, damit, sapatos, pabango, tsinelas at iba pang pawang napag-alamang peke.
Sa loob ng pasilidad, nabigong makapagprisinta ng mga kaukulang dokumento ang mga inabutang empleyado ng nasabing establisimyento, hudyat para tuluyan nang kumpiskahin ang mga nasabing kargamentong ayon sa BOC ay ipinuslit lamang sa bansa ng mga sindikato.
Bunsod nito, naglabas na rin ng direktiba si Guerrero para sa isang malalimang imbestigasyon sa hangaring matukoy ang mga kapitalista at mga kawaning sangkot sa pinaniniwalaang sabwatan para mailusot ang sankaterbang kargamento.
Kasong paglabag sa Intellectual Property Code of the Philippines (RA 8293) at Customs Modernization and Tariff Act (RA 10863) ang isasampa laban sa may-ari ng nasabing bodega.
Nito lamang nakaraang buwan, ilang bodega rin sa nasabing lungsod ang sinalakay ng kawanihan. Tinatayang P2.5 bilyon ang halaga ng mga nakumpiskang piniratang produkto sa mga naturang operasyon.
193 