IDINULOG sa PUNA ng mga nakatira sa North Grove Subdivision sa Brgy. Sta. Monica, San Simon, Pampanga ang kanilang reklamo laban sa kanilang developer (Northern Star Realty and Development Corporation) dahil sa kawalan ng amenities nito.
Ayon sa mga residente na mga miyembro ng North Grove Homeowners Association Inc., kaya sila nakakuha ng unit sa nasabing subdivision ay dahil puro magaganda ang sinabi sa kanila ng mga ahente ng developer.
Kabilang sa mga sinasabi ng mga ahente ng Northern Star Realty and Development Corporation ay kumpleto sa amenities ang kanilang subdivision tulad ng club house, basketball court, playground, swimming pool at iba pa.
Sa panayam ng PUNA kay Jose Lorenzo Carlo, nagmamay-ari ng dalawang lote sa Block 5 ng nasabing subdivision, nang lumipat sila ay wala ang lahat ng mga sinabi sa kanila ng ahente.
Ang mga ito ay ang club house, basketball court, playground at swimming pool.
Hindi rin totoo ang sinabi sa kanya na flood free ang subdivision. “Kaya pa nila sinabing flood free dahil libre pala ang baha rito dahil tuwing umuulan ay umaabot hanggang tuhod ang tubig baha sa kanila”, ayon pa kay Ginoong Carlo.
Kinatatakutan din nila sa North Grove na magkaroon ng dengue ang kanilang mga anak dahil sa tuwing umuulan ay matagal na hindi nawawala ang tubig baha sa kanilang lugar.
Duda rin sila na hindi totoong may drainage system ang kanilang subdivision dahil kapag may itinatapon silang tubig sa kalsada ay nananatili lamang ito sa ibabaw ng kalsada nang matagal hanggang sa matuyo na lang ito.
Lalo pang naging malaki ang kanilang problema sa tubig baha dahil ang Block 4, 5, 6, 7 at 8 kung saan may mga nakatira nang residente ay mas mababa ito ng 2 talampakan kung ikukumpara sa Block 9 na kasalukuyang dine-develop pa.
Mas mataas din ng 2 talampakan ang kalsada ng Block 9 kung ikukumpara sa Block 4, 5, 6, 7 at 8 kaya tuwing umuulan ay ang nagiging bagsakan ng tubig ulan ay ang mababang parte ng subdivision.
Wala rin ang ipinangako sa kanila ng mga ahente ng developer na swimming pool dahil ang itinuturo sa kanilang swimming pool ay matatagpuan sa La Trevi Subdivision na hindi pag-aari ng Northern Grove Subdivision.
Inirereklamo rin ng homeowners ang mga poste ng kuryente sa kanilang subdivision dahil inilagay ang mga ito sa loob ng kanilang mga lote.
Hindi rin totoo ang sinasabi ng ilang engineer ng Northern Star Realty and Development Corporation na ang kalsada ng North Grove Subdivision ay ka-level ng North Luzon Expressway dahil binabaha na sila ng tubig ulan ay wala pang baha sa nabanggit na highway.
Ang mga problemang ito ay maraming beses na nilang idinulog sa tanggapan ng developer sa Brgy. Sta. Monica, San Simon, Pampanga subalit hanggang ngayon ay wala pa ring ginagawang aksyon ang management ng Northern Star Realty and Development Corporation.
Nakipag-usap na rin sila kay Kelvin Yu, general manager ng Northern Star Realty and Development Corporation, subalit nangako lamang ito na bago matapos ang taon (2021) ay sosolusyunan ang kanilang mga reklamo.
Sinikap ng PUNA na makausap si Ginoong Yu para makuha ang kanyang panig kaugnay sa reklamo ng homeowners sa kanila subalit hindi siya nag-reply sa ating text message.
Paging Housing and Land Use Regulatory Board (HLURB), sana masilip n’yo ang hinaing ng mga residente ng North Grove Subdivision sa Brgy. Sta. Monica, San Simon, Pampanga mukhang binabalewala sila ng kanilang developer.
Maganda ang sinasabi ng mga ahente ng developer sa mga gustong bumili ng unit sa kanila, pero pagdating sa aktuwal ay wala naman pala ang mga ipinangakong amenities. Lokohan?
Pakisilip na rin ang kanilang sinisingil na moving fee at construction bond sa mga residenteng lilipat at nakatira na.
Ay naku, kayong mga developer! Sa ayaw at gusto n’yo ay kailangan n’yong aksyunan ang mga reklamo laban sa inyo ng homeowners kung ayaw n’yong ipatigil ang inyong mga proyekto.
oOo
Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0919-259-59-07.
