TULOY na ang paghahanda ng Pilipinong pole vaulter na si Ernest John Obiena sa mahahalagang kompetisyong internasyonal simula sa susunod na taon hanggang sa Paris Olympics sa 2024.
Dalawang araw ang nakararaan ay binawi ng Philippine Olympic Committee (POC) ang pagkilala nito kay Dr. Philip “Popoy” Ella Juico bilang pangulo ng Philippine Athletics Track and Field Association (PATAFA) kasunod ng kontrobersya nito at ng Tokyo Olympian.
Kasabay nito ay idineklara rin ng POC, batay sa rekomendasyon ng Ethics Committee, si Juico na persona non-grata dahil sa umano’y harassment bunsod ng akusasyon kay Obiena ng pagpalsipika ng mga dokumento hinggil sa mga nagastos sa paghahanda para sa Olimpiyada, at hindi pagbabayad sa takdang oras kay Ukranian coach Vitaly Petrov.
“We’re dealing with an Olympian and world class athlete who has a future,” paliwanag ni POC president Abraham “Bambol” Tolentino makaraan ang executive board noong Lunes.
Habang sinusulat ito ay wala pang reaksyon si Juico at ang PATAFA board sa desisyon ng POC. Maaalalang sa kasagsagan ng kontrobersya ay sinuspinde ng PATAFA ang lahat ng tulong pinansiyal na ibinibigay nito kay Obiena, kahit pa tuloy-tuloy sa paghahanda ang 25-anyos na kauna-unahang Pilipinong pole vaulter sa Olimpiyada.
Si Obiena, anak ng pole vault great na si Emerson Obiena at hurdler na si Janette, ay halos kalahating dekada nang nakabase sa Formea, Italy kung saan siya lumalahok sa mga kompetisyon sa European Circuit para mapaunlad ang kanyang talento.
Sa kasalukuyan, si Obiena ay world no.5 at may hawak ng pole vault record sa Asia. Tumapos naman siyang pang-sampu sa nakalipas na Tokyo Games, dahilan para magkainteres sa kanya ang ibang mga bansa na maging kinatawan nila sa mga prestihiyosong kompetisyon tulad ng 31st Southeast Asian Games, XIX Games, at World Athletics Championships na lahat ay gaganapin sa 2022.
Ngunit tinanggihan lahat ni EJ ang mga alok sa kanya dahil wala siyang intensiyong talikuran ang Pilipinas, na nais niya pa ring mahandugan ng Olympics gold medal.
Labing-isa sa 14 na miyembro ng POC executive board members ang dumalo sa miting. Absent si chair Steve Hontiveros, habang nag-abstain sina Tolentino, International Olympic Committee (IOC) representative Mikee Cojuangco-Jaworski at Charlie Ho ng netball.
Si Athletes Commission representative Nikko Huelgas ang nagmosyon para tanggapin ng Ethics Committee, na pinamunuan ni Pato Gregorio ng rowing, at kinatigan nina Al Panlilio ng basketball at Richard Gomez ng modern pentathlon at fencing.
234
