BOC OFFICIAL, UTAS SA AMBUSH

HINDI na nakuha pang maisalba ang buhay ng isang opisyal ng Bureau of Customs (BOC) makaraang tambangan ng hindi pa nakilalang salarin sa Binondo, Maynila nito lamang nakaraang Biyernes ng gabi.

Sa ulat ni Homicide Division chief Lieutenant Adonis Aguila kay Manila Police District (MPD) director Brigadier General Leo Francisco, kinilala ang biktimang si Eudes Nerpio, Section Chief ng isa sa mga tanggapan ng Manila International Container Port (MICP).

Sa imbestigasyon ng pulisya, dakong alas 7:45 ng gabi nitong nakaraang Biyernes habang binabagtas ng biktimang lulan ng kanyang kulay abong Toyota Innova ang Plaza Cervantes patungong Kalye Quintin Paredes nang biglang sumulpot ang isang hindi pa nakikilalang armadong salarin at pagbabarilin ang opisyal ng kawanihan.

Salaysay ng mga saksi, isang lalaking lone gunman na nakasakay sa motorsiklo ang tumapat sa tabi ng sasakyang minamaneho ng biktima kasama ang isang Cris Erna at agad na nagpaputok ng baril. Sapul sa sentido ang biktimang agad naming isinugod sa Medical Center Manila kung saan siya binawian ng buhay.

Ligtas at walang tinamong anumang sugat ang kasama ni Nerpio.

Paniwala ng imbestigador, isang dalubhasang hitman ang kumana sa biktima. Patuloy naman ang isinasagawang pagsisiyasat sa insidente sa hangaring matukoy ang pagkakakilanlan ng suspek at motibo sa pamamaslang.

Kabilang sa anggulong tinututukan ng pulisya ay ang trabaho nito sa BOC. (RENE CRISOSTOMO)

237

Related posts

Leave a Comment