WALANG MASYADONG EPEKTO?

TALIWAS sa giit ng Department of Trade and Industry (DTI), malaking dagok sa negosyo ang pagpapatupad ng Alert Level 3 sa maliliit na negosyo.

Sa kanyang ulat sa Pangulo, sinabi ni Trade and Industry Secretary Ramon Lopez na manipis lang ang diperensya sa pagitan ng Alert Level 3 sa Alert Level 2 batay sa mga inilatag na reglamento ng Inter-Agency Task Force for the Management of ­Emerging Infectious Diseases.

Ginoong Kalihim, malinaw sa inyong tinuran ang pagtukoy sa maliliit na negosyo. Kung ang batayan ay ang perang nawala sa maliliit na negosyante, pwede sigurong sabihing maliit nga kumpara sa mga mababawas na kita ng mga dambuhalang ­kumpanya.

Subalit sa aspeto ng epekto, ­sadyang matindi sa hanay ng maliliit na negosyante lalo pa’t hindi pa nga sila halos makagulapay sa dagok na inagwanta bunsod nang tigil operasyon sa loob ng mahabang panahon.

Ang siste, marami sa kanila’y ipinangutang pa ang salaping panimula sa hangaring kumita para sa pamilya at ­mabigyan ng ­hanapbuhay ang mga ­maliliit na manggagawa.

Walang masama sa paghihigpit bilang pag-iingat sa gitna ng panibagong bugso ng lintek na pandemya, lalo pa’t higit na mahalaga ang buhay kaysa mawawalang kita.

Sa tinuran ng Kalihim, isa lang ang malinaw na nakikita natin – isang pambungad sa nagbabadyang pagbabalik ng hard lockdown sa simula ng taon bunsod na rin ng muling pagdami ng mga nagpositibo sa nakamamatay na COVID-19.

Dapat din sigurong silipin ng Kalihim ang datos ng Department of Labor and Employment (DOLE) kung saan niya makikita ang talaan ng mga bansang may mataas na bilang ng mga nawalan ng hanapbuhay. Mr. Secretary, Pilipinas ang nangunguna sa Asya pagdating sa mga natsuging manggagawa!

Saan sila nagmula? Sa maliliit na negosyong dinadagukan ng pandemya. Ngayon mo sabihin Mr. Secretary na walang masyadong epekto ang Alert Level 3.

190

Related posts

Leave a Comment