ANG PAGBABALIK NG “PHARMALLY”

SA napipintong pagdedeklara ng alert level 4 ­bunsod ng mabilis na pagsampa ng mga kumpirmadong kaso ng nakamamatay na karamdaman, ­muling nabuhayan ang mga tiwali at ang teka-tekang ­kump­anyang ­sadyang ­binuo para lamang gamitin sa pagsasamantala sa gitna ng pan­demya.

Hindi na marahil Pharmally Pharmaceutical Corporation ang gagamiting kumpanya para sa medical supplies na kailangan ng ­gobyerno bilang tugon sa patuloy na banta ng pandemya, lalo pa’t hindi kagandahan ang reputasyon nito, batay sa naantalang ­imbestigasyon ng Senado.

Sa pahiwatig ng Department of Health (DOH), malaki-laking suplay ng ­antigen test kits ang kailangan ng pamahalaan sa ­hangaring palawakin ang mass testing at matukoy ang mga ­positibong hindi kinakikitaan ng ­sintomas. Sila ang pangunahing target – yaong mga walang kamalay-malay na sila pala’y nagpapasa na pala ng karamdaman sa iba.

Pasok din ang mga ­bakunadong tinamaan ng ­nakamamatay na karamdaman, maging ang ­magigiting na healthcare workers at frontliners na direktang sumasagupa sa peligro.

Ang masaklap, kalakip ng dambuhalang kontrata para sa antigen test kits ay ang ­nakaambang direktiba para sa pwersahang pagpapagamit ulit ng face shields na uminog bilang simbolo ng korapsyon.

Pero bakit Pharmally? Kasi naman sa kanila na­bunyag ang pinakamalaking eskandalong kinasasangkutan ng mga pinagkatiwalaan ng Pangulo – sina dating DBM Undersecretary Christopher Lloyd Lao, dating presidential economic adviser Michael Yang, Health Secretary ­Francisco Duque at maging si Senador Bong Go na higit na kilala bilang pinakamalapit sa “puso” ng Pangulo.

Ang tiyak – wala nang bisa ang Pharmally, at marahil tuluyan nang isinakripisyo ng mga tiwali sa gobyerno ang mga tao sa likod ng kumpanyang bulilyaso.

Sa puntong ito, dapat maging mapanuri ang publiko sa bawat transaksyong papasukin ng pamahalaan. Hindi na dapat pang maulit ang eskandalong tulad ng Pharmally.

Panawagan ko sa mga tiwali, taympers muna please. Kung pwede lang naman.

(Si Fernan Angeles ay ­editor-at-large ng SAKSI Ngayon)

252

Related posts

Leave a Comment