IPINAGKIBIT-BALIKAT ni Senate Minority Leader Franklin Drilon ang last-minute proposal sa mababang kapulungan ng Kongreso na nagsusulong ng mas mahabang termino sa Pangulo, kongresista at local officials sa pamamagitan ng pag-amyenda sa 1987 Constitution.
Sinabi ni Drilon na hindi na dapat sineseryoso ang naturang panukala.
“Papatulan pa ba yang ganyang klaseng balita?” tanong ni Drilon.
Para naman kay Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III, maituturing na masyado nang late ang panukala upang matalakay sa nalalabing panahon ng kasalukuyang Kongreso.
Sinabi ni Sotto na mas makabubuti kung isulong ang panukala sa 19th Congress.
“Parliamentary ethics dictate that I do not question the motive of a fellow legislator, but what I can say is ‘it’s too late in the day.’ They should try that in the 19th Congress. Good luck,” pahayag ni Sotto.
Kinatigan naman ni Senador Panfilo Lacson ang pahayag ni Sotto at iginiit na kahit noong isang taon pa isinulong ang panukalang Charter Change ay hindi rin ito magtatagumpay.
“I don’t think there’s still time to tackle any measure that involves Charter Change. Kung noon ngang mga nakaraang taon, hindi nangyari – lalo na ngayon that we have only nine session days left, not including the joint session of Congress to convene as the National Canvassing Board for President and Vice President,” paliwanag ni Lacson.
Ipinaliwanag ni Lacson na siyam na session days na lamang ang nalalabi sa kanila kaya’t malabo na itong matalakay pa.
Magre-resume ang sesyon ng Kamara at Senado sa January 17 at mag-aadjourn sa February 4, 2022 bago muling mag-resume sa May 23, 2022 o matapos ang 2022 national and local elections. (DANG SAMSON-GARCIA)
