‘DI KUNTENTO SA LIMITADONG TERMINO

ANG tao, sadyang hindi marunong makuntento. Patunay nito ang isang kongresistang hangad ay ang pagpapalawig ng termino ng mga halal na opisyal ng gobyerno.

Sa isang pahayag, tahasang nanawagan si Deputy House Speaker at Pampanga Rep. Aurelio Gonzales para sa mas mahabang panunungkulan ng pangulo, mga mambabatas (kung saan siya nabibilang) at maging yaong mga nasa lokal na pamahalaan.

Katwiran ng kongresista, masyadong maikli ang anim na taon para sa pangulo.

Malinaw sa ilalim ng Saligang Batas na hindi dapat humigit sa anim na taon (isang termino) ang panunungkulan ng isang ­pangulo.

Kung tutuusin, sapat na ang anim na taon kung natapat tayo sa isang ­matinong administrasyon. Ang siste, mas marami ang nagmamadaling magtapos ang anim na taong termino ng nakaupong pangulo – marahil bunsod ng pagkadismaya sa ­problemang dulot ng mga palpak, kundi man kawatang itinalaga niya sa pwesto.

Subalit hindi lang pangulo ang nais niyang magtagal sa trono. Aniya, dapat kasali rin ang mga kongresista.

Ano raw? Hindi pa ba sapat ang tatlong termino (katumbas ng siyam na taon)?

Nakatatawang isiping siya mismo ay umaming hindi nila ginugugol nang angkop ang tatlong taon kada termino nang sabihin niyang kinakain ng paghahanda para sa reelection ang huling taon sa bawat termino ng kanilang panunungkulan.

Bakit kailangan magsakripisyo ang kinakatawang distrito ng mga ­kongresista sa interes ng pulitika? Ang totoo, hindi kailangang magkumahog sa paghahanda para sa isang reelection bid kung maganda ang performance bilang kongresista.

Hindi masama ang pulitika, lalo pa’t ‘yan ay patunay ng isang malusog na demokrasya. Ang masama ay ang kasakiman sa poder ng mga pulitikong walang kasawaan, walang kabusugan.

181

Related posts

Leave a Comment