TINALAKAY sa sunod-sunod na meeting ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) nitong nakalipas na mga araw ang rekomendasyon na isailalim sa Alert Level 4 ang National Capital Region (NCR).
Ito ay dahil sa report ng OCTA Research Group noong nakaraang Linggo, Enero 9, 2022, na ang positivity rate sa Metro Manila ay lumagpas na sa 50% para sa first-time – 50.5% as of January 7, 2022.
Sinundan ng Bacoor, Cavite na may 218, Antipolo City na may 211, Cainta na may 202 at Dasmariñas na may 152.
Noong Linggo, base sa report ng Department of Health (DOH) ay nakapagtala ng 28,707 bagong COVID-19 infections, pinakamataas sa single-day tally simula nang magkaroon ng pandemic noong Marso 2020.
Nasa 16,803 o 59% ng bagong infections ay naitala sa NCR, kaya naman tumaas ang active cases sa bansa na umabot na sa 128,114 na may kabuuang 2,965,447 kaso ng COVID-19.
Tsk! Tsk! Tsk! Hindi na biro ito.
Ayon sa nakalap na impormasyon ng PUNA, ang Philippine General Hospital (PGH) ay nasa 200 medical workers ang may COVID-19.
Para hindi maubusan ng medical workers ang mga ospital sa bansa ay pinayagan sila ng gobyerno na iimplementa ang maigsing quarantine protocols sa limang araw.
Subalit nilinaw ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire noong Enero 7, 2022, na ang QUARANTINE na tinalikuran ay dating pitong araw para sa mga bakunado na at ISOLATION na pinaigsi sa limang araw na dating sampung araw.
Ngayon, dahil kumalat na ang veerus sa iba’t ibang lugar sa bansa, may kabuuang 14 siyudad at mga lalawigan ang isinailalim sa Alert Level 3 mula nitong Enero 9 hanggang 15.
Ang mga ito ay ang Baguio City sa Cordillera Administrative Region (CAR); Dagupan City sa Region 1 (Ilocos); Santiago City at Cagayan sa Region 2 (Cagayan Valley); Angeles City, Bataan, Olongapo City, Pampanga at Zambales sa Region 3 (Central Luzon); Batangas at Lucena City sa Region 4A (Calabarzon); Naga City sa Region 5 (Bicol); Iloilo City sa Region 7 (Western Visayas) at Lapu-lapu City sa Region 7 (Central Visayas).
Kasama na siyempre ang Metro Manila at mga kalapit na mga lalawigan tulad ng Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal na nasa ilalim ng Alert Level 3.
Hindi natin alam sa mga susunod na mga araw pagkatapos ng Enero 15 na deadline ng Alert Level 3, ay baka isailalim na sa Alert Level 4 ang Metro Manila.
Depende kung ano ang magiging sitwasyon, kung bababa ba o hindi ang mga kaso ng COVID-19 sa NCR.
Hindi na ito biro, dahil sa dami na ng mga bagong kaso ng COVID-19 sa bansa.
May pasaway pang mga Pilipino, lalo na ang mga nagrali riyan sa harapan ng DOH sa Rizal Avenue, na tinututulan ang isinasagawang pagbabakuna ng gobyerno.
Ang mga ito ay pansariling interes lamang ang kanilang iniisip, ang kapakanan ng mga kamag-anak at kababayan nila na mahahawaan ng buwisit na veerus na ito ay wala silang pakialam!
Sila ang dapat ginagamitan ng kamay na bakal ng gobyerno para mabigyan sila ng leksyon.
Mga PASAWAY!
Imbes na manahimik kayo sa inyong mga tahanan at magdasal na gabayan tayo ng Panginoon na hindi na lumalala ang COVID-19 sa ating bansa, ay nagngangawa pa kayo riyan sa harapan ng DOH para manghikayat pa sa mga tao na ‘wag maniwala sa bakuna.
Ay naku! Tapos aangal kayo na wala kayong makain! Buwisit!
Hala sige, kung ayaw n’yo paawat bahala na sa inyo ang mga pulis!
oOo
Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0919-259-59-07.
179 