IBA NA ANG MAKWARTA

KAHANGA-HANGA ang ­naging pagtugon ng Bureau of Fire Protection (BFP) sa naganap na sunog na tumupok sa isang sikat na ­establisimyento sa Alabang, Muntinlupa City kamakailan.

Mantakin mong 245 trak na pamatay sunog at 1,082 bumbero ang rumesponde sa Starmall na pag-aari ng isang pamilyang bilyonaryo.

Sa isang banda, nakakalungkot isiping hindi ganun ka-sigasig ang pagtugon sa mga lugar kung saan nakatira ang mga maralitang pamilya.

Hindi ko hinuhusgahan ang BFP lalo pa’t mandato nila ang tumugon kung saan sila higit na kailangan. Hindi ko lang mawari kung bakit hindi ganun kalawak ang pagresponde kapag maralita ang nasunugan.

Ilang taon na ang nakakaraan, isa ako sa saksi sa pagkatupok ng maraming kabahayan sa isang lungsod sa Metro Manila kung saan ako nagmula. Hindi lang minsan kung ‘di tatlong ulit pa, isang tagpong tumimo sa aking memorya.

Wari ko, hindi mawawalan ng tahanan ang daan-daang pamilya kung naging ganun kabilis at kalawak ang pagtugon sa sunog.

Maging sa mga asunto sa husgado, prayoridad ang may kwarta, pampiyansa, pambayad sa abogado at iba pang kalakip na gastusin kalakip ng aberya.

‘Yan din marahil ang dahilan kung bakit ang isang tulad ni Julian Ongpin na anak ng isang bilyonaryo at malayang-malaya na dahil sa palpak na asunto sa drogang isinampa sa piskalya, habang maraming pobre ang nanatiling nakapiit sa salang ‘di naman nila ginawa.

Sa gitna ng pandemya, ganun pa rin ang kalakaran. Ang mga sikat at may pera ay abswelto kahit pa malinaw naman ang paglabag sa protocols na inilatag ng gobyerno kaugnay ng peligrong dala ng nakamamatay na COVID-19.

Kung babalikan ang nakaraan, umani ng batikos ang mga kilalang taong gobyerno dahil sa kanilang paglabag sa mahigpit na pagbabawal (tulad ng pagtitipon, paglabas habang hinihintay ang resulta ng COVID-19 test, atbp.) batay na rin sa mga probisyon sa ilalim ng protocols na kalakip ng iba’t ibang antas ng community ­quarantines.

Kabilang sa mga bulilyasong opisyal ng pamahalaan sa kasagsagan ng pandemya sina Senador Aquilino Pimentel III, dating OWWA deputy administrator Mocha Uson, dating presidential spokesman Harry Roque (na ngayon ay kandidato pagkasenador) dating NCRPO chief, Gen. Debold Sinas at iba pang mistulang nabaon sa limot.

Hindi tulad ng mga pangkaraniwang taong nahuli sa paglabag sa mga umiiral na panuntunan sa gitna ng ­pandemya, wala ni isa sa kanila ang inaresto at ikinulong.

Kasi nga may mga pera, bukod pa sa impluwensya.

(Si Fernan Angeles ay ­editor-at-large ng SAKSI Ngayon)

373

Related posts

Leave a Comment