GORDON, NAGLABAS NG MGA KONDISYON PARA SA HOUSE ARREST KAY TWINKLE DARGANI

NAGLABAS ng mga kondisyon si Senate Blue Ribbon Committee Chairman Richard Gordon para kay Twinkle Dargani, presidente ng Pharmally Pharmaceutical Corporation na pinayagan nang makalaya sa Senate detention.

Sa kanyang sulat, inirekomenda ni Gordon kay Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III na isailalim sa house arrest si Twinkle matapos na ring magpositibo sa COVID-19.

Kabilang sa mga kondisyong inilatag ni Gordon ay tiyaking nasa bahay lamang si Twinkle at hindi magtutungo sa iba pang lugar habang nagpapatuloy ang pagdinig ng Senado sa sinasabing iregularidad ng kontrata ng Pharmally sa gobyerno.

Dapat ding tiyaking palagiang available si Twinkle sa tuwing mayroong pagdinig at hindi ito dapat aalis ng bansa habang hindi tinatapos ang imbestigasyon ng Senado.

Kasama rin sa kondisyon ay ang palagiang pag-update ng panig ni Twinkle sa kanyang kondisyon sa kumite kada linggo at mangakong susunod din sa iba pang regulasyong maitatakda ng Senado.

“All of that said, however, I, in my capacity as Chairman, am not blind to the raging epidemic that has afflicted tens of thousands of our brothers and sisters; neither are we insensitive to the fact that Ms. Dargani has herself tested positive for COVID-19,” saad ni Gordon.

Alas-12:15 ng hatinggabi nitong Martes nang payagan nang makalabas ng detention center si Twinkle at inirelease ito sa kanyang inang si Deepa Dargani. (DANG SAMSON-GARCIA)

248

Related posts

Leave a Comment