TATANGGAP lamang ang anim na pinatatakbong hospital ng lokal na pamahalaan ng Maynila, ng mga severe o kritikal na COVID-19 cases at hindi na ng mild cases ng virus.
Inihayag ni Manila Mayor at presidentiable Francisco “Isko Moreno” Domagoso, ang COVID-19 patients na nasa malubha o kritikal na kondisyon lamang ang tatanggapin.
Kabilang sa anim na hospital ang Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center, Ospital ng Tondo, Justice Abad Santos Medical Center, Ospital ng Sampaloc, Sta. Ana Hospital, at ang Bagong Ospital ng Maynila.
“Para naman sa ganon, magamit natin ‘yung hospital for its original purpose – bigyan ng tamang atensyon ‘yung ibang sakit na dumadapo sa ating mga kababayan, tulad ng cancer, sakit sa puso, mga diabetic o nangangailangan ng dialysis, nanganganak o ‘yung mga sanggol,” ayon pa sa alkalde
Gayunman, ang mga may mild na sintomas ng iba pang sakit at nangangailangan ng wastong pangangalaga ay tatanggapin sa hospital.
Samantala, ang mga pasyente na asymptomatic o nakararanas ng banayad na sintomas ay hihilinging ihiwalay sa kanilang mga tahanan.
Ang mga pasyente naman na walang espasyo para sa tamang isolation ay dadalhin sa iba’t ibang quarantine facilities ng lungsod. (RENE CRISOSTOMO)
478 