DAHIL sa baba ng sweldo at benepisyo para sa ating mga health worker, hindi natin masisisi na dumarami na sa kanila ang nagnanais mangibang bansa.
Noong nakaraang linggo nga lang, inanunsyo ni Jose Manuel Romualdez, ambassador ng Pilipinas sa Estados Unidos, na nasa 100,000 na health worker ang kasalukuyang naghihintay na maaprubahan ang kanilang work visa para sa kanilang inisyal na deployment.
At sa gitna ng pandemya kung saan kinakailangan ang mga ekspertong ito para sa ating pagbangon, ang kanilang pagnanais na iwanan ang kanilang bayan para sa mas maayos na pamumuhay, ay isang hindi magandang balita para sa atin.
Kaya naman ito ang naging isa sa mga pangunahing isinusulong ni presidential aspirant Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa ilalim ng kanyang programang “Tawid COVID, Beyond COVID.”
Sa ilalim nito, itinutulak ni Ginoong Marcos ang mas mataas na healthcare budget, sweldo, at benepisyo para sa mga medical frontliner bilang bahagi ng kanyang programa sa pagbangon mula sa pandemya.
Isa pa sa mga nais isulong sa programang ito ay ang higit pang suporta sa medical research upang mas mapabilis ang pagpuksa ng pandemya.
Ayon din kay Marcos, kinakailangan ding paigtingin ang National Institute of Molecular Biology and Biotechnology (BIOTECH) ng Unibersidad ng Pilipinas. Dapat din umanong gumawa ng sariling bakuna ang Pilipinas.
Sa ilalim ng liderato ng kanyang ama na si dating pangulong Ferdinand Marcos ay naitayo ang mga specialized hospital tulad ng Heart Center, Lung Center of the Philippines, Philippine Children’s Medical Center, at National Kidney and Transplant Institute, gayundin ang pagpapalawig ng barangay centers sa bansa.
Matagal na panahon nang dapat ibinigay ito ng gobyerno sa ating mga medical worker, ngunit hanggang ngayon, ay tila ba suntok sa buwan pa rin ito para sa kanila.
Bilang pasasalamat man lang sa nagawa nila sa ating bayan, pagtulungan natin itong isulong para sa kanila.
May ilan nang mga mambabatas ang nagsulong ng kani-kanilang bill para itaas kahit papano ang special risk allowance (SRA) para sa mga medical frontliner. Isa na rito ang “Special Risk Allowance for All Health Workers Act of 2021” na nais itaas sa hanggang 25 porsyento ng basic allowance ang SRA para sa mga health worker.
Maliit na bagay pa rin ito kung tutuusin. Ang trabaho ng ating mga medical frontliner ay higit pa sa ating iniisip. Kaya bago pa man matapos ang administrasyong ito, sana ay maisakatuparan na ang mas mataas na benepisyong ito para sa kanila, dahil kung hindi dahil sa ating mga medical frontliner, hindi makakabangon ang ating bansa at ekonomiya mula sa pandemya.
196